485 total views
Ang early childhood care and development ay isa sa mga serbisyo para sa mga bata na dapat pa nating inaangat sa ating bayan. Ang early childhood, kapanalig, ay kritikal na yugto ng buhay ng tao. Dito sa ating bansa, ang yugto na ito ay kadalasang hindi masyadong nabibigyang importansya dahil marami sa atin, iniisip na kasama naman lagi ng bata ang kanyang nanay. Sa nanay natin binubuhos lahat ng responsibilidad sa early childhood care and development – at sa kanya din natin binubuhos ang sisi kapag may kulang dito.
Ang early childhood care and development ay tumutukoy sa physical at psychosocial development sa mga unang taon ng bata. Kapag maganda ang development ng mga bata sa yugto na ito, mas maganda ang performance ng mga bata sa paaralan at mas makakapag-develop sila ng mga kasanayan na magiging building blocks hindi lamang para sa kasaganahan ng kanilang sariling buhay, kundi pati ng bayan. Mas naabot ng mga bata ang kaganapan ng kanilang potensyal at pagkatao kung sa kanilang mga unang taon pa lamang ay natutukan na sila. Kung susuruin mo kapanalig, ang maayos na early childhood development care ay instrumento sa higit na pagkapantay-pantay sa bayan – isang hakbang tungo sa panlipunang katarungan.
Kaya lamang, ang early childhood development care ay hindi natutukan, lalo na sa mga kanayunan sa ating bansa. Malaki din ang naging epekto ng pandemic dito. Ngayong nagno-normalize na ang buhay sa bansa, maiging matutukan naman sana ulit ito sa ating bayan. Napakahalagang magawa natin ito dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng bata at ng bansa. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe sa 47th Social Week for Italian Catholics noong 2013: A population that does not take care of the elderly and of children and the young has no future, because it abuses both its memory and its promise.
Para ating maisakatuparan ito, dapat maging pangunahing prayoridad ang early childhood care and development. Mahalagang mas marami tayong batang maabot sa ating bayan sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga preschool at day care centers. Dapat may sapat na guro at propesyonal na aagapay dito, sabay ng pagsasaayos ng mga curriculum at mga komprehensibong programa na kasama ang iba’t ibang aspeto tulad ng kognitibo, pisikal, sosyal, at emosyonal.
Kailangan ding bigyan ng suporta sa mga magulang at pamilya. Ang mga magulang ay ang mga unang guro at tagapag-alaga ng mga bata, kaya mahalaga na mabigyan sila ng kaalaman at kasanayan sa pag-aalaga at pagdidisiplina. Dapat magkaroon ng mga programa at serbisyo na naglalayong tulungan at gabayan ang mga magulang sa kanilang papel bilang tagapag-alaga ng mga anak.
Ang pangangalaga sa kalusugan ng mga bata ay hindi rin dapat ipagwalang-bahala. Kinakailangang tiyakin na ang mga bata ay nakakakuha ng maayos na nutrisyon, regular na check-up, at kumpletong bakuna. Ang pangangalaga sa kanilang kalusugan ay may malaking epekto sa kanilang pangkalahatang pag-unlad at kakayahan sa pag-aaral.
Lagi nating sinasabi na ang Pilipinas ay sagana sa likas na yaman. Napapaligiran tayo ng mga katawang tubig at napakaganda ng ating mga kagubatan at kabundukan. Pero kapanalig ang tunay na yaman ng ating bayan ay ang tao, lalo na ang ating mga kabataan. Kaya sana, atin silang pangalagaan. Sila ang magmamana ng ating bayan, at sa kanilang kamay, mas maaari pang tunay na umunlad ang bayan. Ngunit kapanalig, mangyayari lamang yan kung ating titiyakin ang kaayusan ng serbisyo at kalingang ibibigay natin sa kanila, simula pa lang ng kanilang kamusmusan.
Sumainyo ang Katotohanan.