239 total views
Nakasaad sa Encyclical ni Pope John the 23rd noong 1961 na MATER ET MAGISTRA on Christianity and Social Progress na bahagi ng tungkulin ng estado ang protektahan ang kapakanan at mga karapatan ng lahat ng mamamayan partikular na ang mahihinang kasapi nito tulad ng mga mahihirap, kababaihan, matatanda at mga bata.
Kaugnay nito, mariin ang paninindigan ng Commission on Human Rights na dapat matiyak ng mga ahensya na mangangasiwa sa pagsasagawa ng mandatory drug-testing sa mga mag-aaral ang kanilang kapakanan at seguridad.
Nilinaw ni CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia na bagamat mabuti ang intensyon ng Commission on Higher Education (CHED) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na puspusang isulong ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga ay hindi naman sapat na batayan upang isantabi ang karapatan ng mga kabataan.
Iginiit ni Atty. De Guia na kailangang tiyakin ng mga ahensya ng pamahalaan ang iisang layuning ng naturang panukala upang mapabuti ang sambayanan.
“The Commission on Human Rights notes the intent of the Commission on Higher Education in ensuring a safe and drug-free environment for our youth by instating mandatory drug testing in colleges. We, however, equally impress the need for the government to address reasons for drug use among the youth, and caution against shifting the burden to a sector that we ought to protect.” pahayag ni de Guia.
Inihayag ni De Guia na dapat magpatupad ng mahigpit na panuntunan ang CHED at PDEA na magsilbing patnubay sa implementasyon ng drug-testing sa mga estudyante kabilang ang pagtatakda ng naaangkop na kaparusahan sa mga maaring magpositibo o tatangging sumailalim sa proseso.
Bukod dito, igiiit ni de Guia na sa halip na ikundina at parusahan ang mga estudyanteng mapapatunayang gumagamit ng ilegal na droga ay mas dapat na gabayan ng pamahalaan ang mga ito upang matulungang makapagbago at magkaroon ng pangalawang pagkakataon na maitama ang pagkakamali.
“Strict guidelines in its implementation should be observed, including a prohibition from imposing sanctions—be it administrative or criminal—to students who are found to be users or dependents, including those who refuse to undergo the random drug testing. And, instead of condemning, the government, alongside education institutions, should move towards reformation of users or dependents, towards upholding our youth’s right to education and their opportunity for a more productive life.” dagdag pa ni Atty. de Guia.
Naunang nagpalabas ng CHED Memorandum No. 18 series of 2018 si CHED Chairman Prospero de Vera III kung saan nakapaloob ang implementing guidelines sa mandatory random drug testing sa estudyante ng mga unibersidad, kolehiyo at iba pang higher education institution mula sa academic year 2019-2020.
Naninindigan si Pope Francis na taglay ng mga kabataan ang dalisay na pag-asa at intensyong nagmumula sa wagas na pag-ibig ng Panginoon para sa sangkatauhan kaya’t marapat lamang na protektahan ang kanilang kapakanan.