2,264 total views
Ipinapaalala ng Teachers Dignity Coalition (TDC) ang tunay na layunin ng ‘Brigada Eskwela’ sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Benjo Basas – National Chairperson ng TDC, isinasabuhay ng gawain ang pagkakawanggawa kung saan boluntaryong inaayos ang pasilidad ng mga pampublikong paaralan.
Ipinaalala naman ni Basa sa mga nakibahagi na huwag kalimutan na pangunahing tungkulin ng pamahalaan na isaayos ang mga pasilidad, punan ang kulang na mga kagamitan at pangangailangan ng mga mag-aaral.
“Pero wag din natin kakalimutan ang school maintenance ang pagpapaayos ng paaralan, ang pagpapaganda ng paaralan sagutin ng estado, sagutin ito ng gobyerno, ito ay yung kung ano lamang ang maaring ibigay on a voluntary basis ng ating mga mamamayan at ng ating mga stakeholders, yun lang po iyon ” ayon sa mensahe ni Basas.
Ipinarating naman ni Basas ang lubos na pasasalamat sa mga volunteers na nakibahagi sa “Brigada Eskwela”.
“Walang pambili ng pintura and everything yan po ay hindi sagutin ng magulang, hindi sagutin ng kapitbahay at hindi sagutin ng baranggay o ng mga organisasyon sa paligid yun po ay sagutin ng estado yan po ang maliwanag gayunpaman hindi natin inaalis na sinuman ang gustong tumulong ay welcome po,” bahagi pa ng mensahe ni Basas para sa Radio Veritas.
Inaasahan naman ng Department of Education na aabot sa 28.4-milyon ang mga student enrollee sa school year 2023-2024 na magsisimula sa ika-29 ng Agosto, 2023.
Muli namang ipinaalala ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa mga mag-aaral, magulang, guro, kawani ng paaralan at stakeholders ng education sector na palaging salubungin ang bagong school year ng may pag-asa.