339 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang linggo, nagdesisyon ang International Criminal Court (o ICC) na ipagpatuloy ang pag-iimbestiga sa madugong “war on drugs” ng administrasyong Duterte. Ito ay matapos ibasura ng ICC ang apela ng gobyerno ng Pilipinas na itigil ang imbestigasyon.
Kung matatandaan, kumalas ang Pilipinas sa kasunduan ng Rome Statute na nagtatag sa ICC, isang independiyenteng korte na dumidinig sa mga crimes against humanity—kung saan pumapaloob ang extrajudicial killings—war crimes, at crimes of aggression. Layunin ng korteng ito na masigurong napapanagot ang lahat ng lumalabag sa mabibigat na krimeng nabanggit.
Tuluy-tuloy sana ang imbestigasyon ng ICC sa “war on drugs” ng administrasyong Duterte kung hindi hiniling ng ating gobyerno noong 2021 na pansamantalang itigil ang imbestigasyon. Magkakaroon naman daw ng sariling imbestigasyon ang ating gobyerno. Gayunpaman, nitong Enero muling binuksan ng ICC ang imbestigasyon dahil hindi ito kumbinsidong sapat ang ginawang imbestigasyon ng ating awtoridad. Kasunod ng pagpapatuloy sa imbestigasyon ng ICC ang apela ng Office of the Solicitor General na ibinasura ng ICC nakaraang linggo. Sinasabi ng ating gobyerno na opisyal nang kumalas ang Pilipinas sa ICC noong 2019 kaya wala na raw dapat hurisdiksyon ang korte sa ating bansa. Ngunit itinuturing pa ring may bisa ang imbestigasyon dahil naganap ang drug war noong miyembro pa ang Pilipinas ng Rome Statute mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.
Malaking bagay ang desisyong ito ng ICC sa pagkamit ng hustisya sa ngalan ng mahigit anim na libong napatay sa mga operasyon ng pulisya upang sugpuin ang problema sa iligal na droga. Maliban sa mga sinasabing gumagamit at nagtutulak ng droga na silang pangunahing biktima ng war on drugs, maituturing ding biktima ang mga pamilyang naiwan nila—ang mga anak at asawa nilang umaasa sa kanila. Ibang usapin pa ang mga inosenteng bata na itinuring lang na “collateral damage” ng pamahalaan, mga nadamay sa pagpapatupad ng giyera kontra droga. Hanggang ngayon, humihingi pa rin ng hustisya.
Dapat na imbestigahan ang pag-aabuso sa kapangyarihan ng awtoridad sa ilalim ng nakaraang administrasyon kaugnay sa mga pagpatay sa ngalan ng pagsugpo sa droga. Ang pagpapanagot ng ICC ay isang makabuluhang tagumpay na tumuldok sana sa kultura ng karahasan at patayan na iniwan ng administrasyong Duterte. Mahalaga rin ang pakikipagtulungan ng kasalukuyang administrasyon sa pagkamit ng hustisya at sa pagpapanagot ang mga maysala. At kung paninindigan ng mga sangkot sa krimeng ito ang hindi nila pagtalima sa ICC, pinatutunayan lang nito ang sabi sa Mga Kawikaan 21:15 na “kapag katarungan ang umiiral, ang mga matuwid ay natutuwa, ngunit natatakot ang masasama.”
Gaya rin ng binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan, pangunahing papel ng pamahalaang tiyaking nakakamit ng mga mamamayan ang common good o kabutihang panlahat. Mangyayari lamang ito kung naitataguyod ang mga dignidad ng buhay ng tao, mga karapatang pantao, at ang tunay na katarungan. Palaisipan pa kung ano ang susunod na hakbang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr gayong kaalyado niya ang dating pangulo. Panalangin nating mananaig ang katarungan para sa mga biktima ng giyera kontra droga.
Mga Kapanalig, dapat harapin ng gobyerno ang imbestigasyong ito. Kung ikukumpara ang kanilang sitwasyon sa libu-libong taong sangkot diumano sa iligal na droga na sapilitang dinampot nang walang warrant of arrest at pinatay nang walang due process, maituturing pang suwerte si dating Pangulong Duterte at ang kanyang mga kaalyado dahil may pagkakataon silang depensahan o ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Suwerte sila dahil hindi ipinagkait sa kanila ang karapatan nilang dumaan sa tamang proseso ng batas, bagay na hindi nakamit ng karamihan sa libu-libong kababayan nating walang labang pinatay.
Sumainyo ang katotohanan.