289 total views
Dismayado ang CBCP – Episcopal Commission on the Laity sa pahayag ng DOLE o Department of Labor and Employment na hindi na itutuloy ang pagtatayo ng ahensya o departamento na tutugon sa pangangailangan ng mga Overseas Filipino Workers.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, hindi katanggap – tanggap ang dahilan ni Labor Sec. Silvestre Bello III na hindi makabubuti ang Department of OFWs na magtutulak lamang sa ating mga kababayan na mangibang bansa.
Iginiit ni Bishop Pabillo na taliwas ito sa naipangako noong eleksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang magiging dulungan ng mga OFWs upang makaiwas na sa red tape at delayed na proseso ng kanilang papeles mula sa mga magkakahiwalay na trasaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan.
Inudyukan rin ni Bishop Pabillo ang administrasyong Duterte na manindigan sa mga binitawan nitong pangako dahil ito ang mga inaasahan ng halos 15 milyong OFWs sa buong mundo na magpapaginhawa ng kanilang kalagayan.
“Hindi naman totoo yung sa ganun. Kaya nga sila nagma – migrate dahil walang permanenteng trabaho rito na nagbibigay sa kanila ng kasiguraduhan pero kung meron naman ay maiiwan sila rito. Iyan ay pangako sa eleksyon palagay ko naman yung pangako ay dapat ipatupad. Kung hindi, iyan hindi pala mapapaniwalaan ang mga pangako ng mga pulitiko. Iyan ang problema magaling silang mangako pagdating sa katotohanan lulusawin ang pangako hindi dapat iyan, dapat iyan ay pinag – aaralan at yung pangako tuparin nila dahil binoto sila ng tao dahil sa pangako na iyan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas.
Nauna na ring naitala ng Center for Migrant Advocacy Philippines na aabot sa 5-libong mga Pilipino ang lumalabas ng bansa kada araw na kung susumahin ay tinatayang aabot sa kabuuang 1.8-milyong Pilipino kada taon ang lumalabas at nangingibang bansa upang maghanapbuhay.
Samantala, kinilala ng kanyang Kabanalan Francisco ang pagsasakripisyo ng mga OFWs kung saan batay sa ulat ng World Bank ’s Migration and Remittances Factbook 2016 ay ikatlo ang Pilipinas sa buong mundo na pinakamalaki ang natatanggap na remittances na umaabot sa $29.7 bilyon dolyar ngayong 2016.