348 total views
Dakilang araw para sa mga pari ang pagdiriwang ng Misa ng pagtatalaga ng Krisma, pagbabasbas ng langis at pagsariwa sa pangako ng mga Pari.
Ito ang inihayag ni Malolos Bishop Jose Oliveros sa kanyang homiliya sa isinagawang Chrism Mass sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion – Malolos Cathedral noong Miyerkules Santo.
Ayon sa Obispo, ang mga pari at Obispo ay kabilang sa dakilang pagtawag ng Diyos, at sa maharlikang lipi ng Panginoon.
Ipinaalala ng Obispo na kinakailangang kumilos ang mga pari kung ano ang nararapat at inaasahan mula sa kanila.
Ayon kay Bishop Oliveros, bagamat hinihingi ng Kanyang Kabanalan Francisco sa mga Pari na lumabas mula sa simbahan at puntahan ang mga pinakamahihirap na taong hindi na halos naaabot ng mga turo ng Panginoon, kinakailangang maging maingat pa rin ang mga pari na hindi malihis sa kanilang tunay na misyon.
“Kahit na tayo ay nakikihalubilo sa mga tao at kung minsan tayo ay inaanyayahan pang kumilos bilang mga taong kinakasama natin, but let us not forget what we are, we are not simple persons, we are persons consecrated to the Lord. Mahalaga ang makihalubilo sa mga tao subalit huwag tayong padadala sa mga ibinibigay na pinahahalagahan ng mundo at ng mga taong nakakasama natin, nakakahalubilo natin. Kaya naman tayo’y kumilos hindi bilang ordinaryong mga tao ipakita natin sa ating pagkilos sa ating buhay sa araw-araw kung sino tayo.” Pahayag ng Obispo sa kanyang homiliya.
Samantala, hiniling din ni Bishop Oliveros sa mga mananampalataya, ang kanilang suporta, pagmamahal at panalangin para sa mga pari at sa mga Obispo upang maisakatuparan ng mga ito ang tungkuling iniatas ng Panginoon.
Ayon sa Obispo ang mga dasal na magmumula sa mga mananampalataya ang nagsisilbing gabay upang matupad ng mga pari ang layunin ng Diyos at malampasan ang iba’t- ibang pagsubok sa kanilang buhay, kabilang na ang karamdamang kanyang kinakaharap ngayon.
“At kayo naman minamahal naming mga kapatid na naririto ngayon na pinaglilingkuran ng ating mga pari salamat din sa inyong suporta sa ating mga pari, kailangan nila kayo, kailangan namin kayo, kinakailangan namin ang inyong suporta upang aming maisakatuparan ang tunay na paglilingkod, hindi lamang sa ilang tao, kundi sa lahat ng mga tao lalong-lalo na ang ating mga pinaglilingkuran.” Bahagi ng homiliya ni Bishop Oliveros.
Sa kabuuan umaabot sa 219 ang lahat ng mga pari sa ilalim ng Diyosesis ng Malolos, kung saan 187 dito ang mga aktibo sa iba’t-ibang mga tungkulin habang ang iba naman ay nasa mission areas sa ibang bansa at mga retiradong pari.
Ang Misa ng Krisma ay karaniwang isinasagawa tuwing umaga ng Huwebes Santo, subalit maaari naman itong isagawa sa ibang araw ng Semana Santa.