448 total views
Nilinaw ni Jaida Castillo, Officer-in-Charge ng Batangas Provincial Tourism and Cultural Affairs Office na hindi direktang maapektuhan ng pagliligaling ng Bulkang Taal ang sektor ng turismo sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Castillo, ligtas para sa mga turistang nasa labas ng 7-kilometers Danger Zone ang manatili sa kanilang mga pinagbabakasyunang lugar.
Iniulat ng opisyal na nakalikas na ang mga turistang mula sa mga resorts na pasok sa danger zone ng bulkan noong pang Sabado ng maitala ang phreatomagmatic eruption ng bulkan.
“Mayroon po kasi tayong tinatawag na 7 kilometer na danger zone, yung beyond 7 na naku-consider naman siya na safe po, pero sa ngayon hindi pa naman po naapply na i-evacuate yung within 7 kilometer danger zone but may mga selected barangays lang po, ang bayan ng Agoncillo at Laurel na inilikas na po yung mga taon nakatira doon,” pahayag ni Castillo sa Radio Veritas.
Sinabi ng opisyal na sa kabuuan ay hindi lubhang maapektuhan ng pagliligalig ng bulkan ang ekonomiya at sektor ng turismo sa Batangas.
Batay din sa datos ng ahensya, noong Pebrero nang unang luwagan ang mga panuntunan sa sektor ng turismo ay umaabot na sa higit 10-libong mga domestic at foreign tourist ang nagbakasyon sa mga bayang nakapaligid sa taal lake.
Sa buong lalawigan naman ay umaabot na sa 250-libong mga turista ang bumisita sa Batangas sa mga buwan ng Enero at Pebrero 2022.
Unang binuksan ng Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) ang kanilang Malasakit para sa Batangas Command Center sa mga mamamayang apektado ng pagliligalig ng bulkang Taal.