2,664 total views
Kapanalig, ang turismo ay isa sa mga malaking bentahe o advantage ng ating bansa. Dahil dito nakikilala tayo. Dahil dito, marami ang nagkakatrabaho. Kaya lamang, kahit malaki ang ambag ng sektor nito sa ating bayan, tila limitado pa rin ang pagkilala ng maraming Filipino dito.
Alam mo ba kapanalig, bago mag pandemic, umaabot ng PhpP2.5 trillion o 12% percent ng GDP ng bansa ang ambag ng turismo sa ating bansa? Nanghina lamang ito dahil sa epekto ng pandemic, pero ngayon, bumabawi na ang sektor. Maaari pa itong lumago kapanalig, kung atin pang mas maalagaan ito.
Ang turismo kapanalig ay hindi lamang tungkol sa mga tourist spots ng bayan. Ito rin tungkol sa pangangalaga ng ating kalikasan. Alam niyo kapanalig, proud na proud tayo sa ganda ng ating mga tourist spots, ngunit maaaring mawala ang ganda ng mga ito kung mapupuno sila ng basura, makakalbo ang mga kagubatan at halaman, dudumi ang mga karagatan. Kung iresponsable ang ating pangangalaga sa mga tourist spots na ito, hindi sila magiging sustainable.
Kasama din sa turismo, kapanalig, ang ibang aspeto ng ating lipunan, gaya ng kalidad ng ating service sector pati na ng transport sector. Alam niyo, ang unang bumubungad sa ating mga turista, lalo na kung mula sa ibang bansa ay ang ating mga airports. Kung magulo, marumi, at pangit ang serbisyo sa ating mga international ports, ganun din ang magiging first impression sa ating mga bisita. Kapag labas pa nila ng airport, hirap sila makukuha ng sasakyan tungo sa kanilang destinasyon, tapos i-o-overcharge pa sila ng kanilang nasakyan, marahil, mas nais pa nilang bumalik sa kanilang pinanggalingan.
Kasama din sa turismo, kapanalig, ang ating kultura, na makikita sa ating mga diyalekto, pananamit, awit, gawi at ugali, pati na sa ating pagkain. Hindi natin ito napapansin kadalasan, at minsan, nais pa nating mas gayahin ang kultura ng kanluran, pati na nga ang k-pop. Nakakalimutan natin na dapat din tayong maging proud sa ating kultura bilang Filipino, dahil ito ang ating pagkakakilanlan at isa mga rason kung bakit tayo laging binabalik-balikan. Kung hindi natin ito bibigyang halaga at ipagmamalaki, maraming magagandang aspeto ng ating kultura ang mawawala at hindi na natin masasalin sa susunod na henerasyon.
Ang pagbibigay halaga sa turismo ay nag-pupukaw din sa ilang mga values natin bilang Katolikong Kristiyano. Sakop nito ang stewardship of God’s creation, pati na ang obligasyon natin na magmahal at magpalaganap ng katarungan, kasama na ang kabutihan ng balana. Ang mga values na ito ay hindi rhetoric o sali-salita lamang – sila ay ukol sa pagkilos at aksyon -kailangan nating gawin at piliing gawin sa araw-araw. At payo ng Gaudium et Spes, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan: The best way to fulfill one’s obligations of justice and love is to contribute to the common good according to one’s means and the needs of others.
Sumainyo ang Katotohanan.