118,959 total views
Kapanalig, summer na naman. Kakambal na ng summer ang turismo sa ating bayan. Sa ganitong panahon hindi lamang ang araw ang hitik na hitik, kundi pati ang industriya ng turismo sa ating bayan.
Nito lamang January, tumaas ng mahigit 23% ang bilang ng mga turista sa ating bansa. Mahgit 574,000 tourists ang dumating sa ating bayan, kumpara sa January noong nakaraang taon na mahigit 464,000. Tataas pa ito ngayong tag-init, dahil maliban sa foreign tourists, mas dumadami na din ang local tourists sa ating bansa.
Ang patuloy na pagtaas ng bilang ng turista sa ating bayan ay nagbibigay ng mas malaking ambag sa ekonomiya ng ating bayan. Pero kapanalig, ang tanong, sa ambag ba nito, may natitira ba para naman sa pangangalaga at proteksyon ng ating mga tourist spots?
May trade off talaga, kapanalig, ang mga malalaking industriya gaya ng turismo. Sa pagdami ng tao sa ating mga tourists spots, mas dumadami siyempre ang basura, ang pagkonsumo, at ang collateral damage sa mga nadadaanan ng tao. Minsan pa nga, may mga pagkakataon na nava-vandalize o binabalahura ang mga scenic spots na ito. May ginagawa ba tayo upang pangangalagaan ang mga lugar na ating pinagkaka-kitaan?
Kapanalig, panahon na upang mapalaganap natin ang sustainable tourism sa ating bayan. Sunod ito sa pangaral mula sa Laudato Si, na nagsasabi na “mahalagang maghanap tayo ng mga komprehensibong solusyon na isinasaalang-alang ang atin ugnayan sa ating mga natural ecosystems at social systems. Sa ngayon, ang tao ay karaniwang kuha na lamang ng kuha mula sa inang kalikasan kahit depleted na o ubos na ang likas yaman. At ang tao ay hindi nakukuntento sa pagkuha, nagtatapon pa siya ng nagtatapon – kaya’t ang puwang o vacuum na kanyang nilikha ay napupuno na lamang ng basura.
Para maging sustainable ang turismo sa ating bayan, paka-isipin natin na hindi lagi kailangan bulabugin ang kalikasan upang maging tourist spot ang isang lugar. Nauuso na ang eco-tourism ngayon, isang uri ng turismo na nakatutok sa natural na pakikisalamuha sa kalikasan -natural experience with nature – na hindi kailangang magtatag ng mga istraktura na puputol o di-disrupt sa natural na daloy ng kalikasan. Sa ganitong paraan, malalasap natin ang ganda ng paligid na walang sinisira o dinudumihan.
Napakahalaga kapanalig, na ating masakatuparan ang sustainable tourism. Kapag ang isang lugar ay ating inabuso, ang restoration nito ay tatagal ng mahabang panahon. Mangangahulugan ito ng pagkasira ng kalikasan, na siyang ating pinagkakakitaan. Ang kinabukasan ng kalikasan at kinabukasan natin ang nalalagay sa peligro. Malinaw kapanalig, na ang ating buhay ay nakatali sa ating kalikasan. Kaya’t sana, matuto na tayong alagaan ito.
Sumainyo ang Katotohanan.