451 total views
Hindi lamang sa ilegal na droga ang may addiction na nakakaapekto sa lipunan at pamilya.
Ito ang binigyan diin ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kaniyang homiliya sa pagpapasinaya sa kauna-unahang Sanlakbay Recovery and Restoration Center sa Sta. Cruz Manila.
Ayon sa kaniyang Kabunyian, bukod sa addiction sa illegal drugs, dapat ding bigyang pansin ang ibat ibang addiction tulad ng gadget addiction, at labis labis na panonood ng telebisyon.
Paliwanag ni Cardinal Tagle, bagamat hindi nasasakop bilang ilegal sa batas ay nagdudulot din ito ng epekto sa ating pakikipag-kapwa tao at relasyon sa ating pamilya.
Lahat naman tayo may kaniya-kaniyang addiction, kaya lang yung iba legal. Kaya tuloy lang. Yung mga addicted sa celphone, addiction din yan. Minsan kaharap mo na yung misis mo hindi mo nga tinitingnan ang misis mo. O kaya yung mga teleserye kahit na hindi makakain ng hapunan, kahit na hindi maghanda ng hapunan huwag lang lalagpasan…, ayon kay Cardinal Tagle.
Dahil dito, hinimok ni Cardinal Tagle ang bawat isa na iwaksi ang paghuhusga bagkus ay magtulungan para sa sama-samang paghilom.
“Minsan bago tayo maghusga katulad ni Isaias kasama pala tayo sa bayan na mayroon ding mga karupukan at sa karupukan sama-sama din tayong naglalakbay. At sa pag-ibig ng Diyos sama-sama din tayong maglakbay para sa sama-samang paghihilom at ang nahihilom dyan ang pamilya, ang sambayanan,” ayon pa sa pagninilay ni Cardinal Tagle.
Sa isang mensahe ng Kaniyang Kabanalan Francisco, hinihikayat nito ang bawat isa na maglaan ng panahon para sa pakikisalamuha sa kapwa at pagbibigay oras sa pamilya hindi lamang sa paraan ng makabagong teknolohiya kundi sa pamamagitan ng personal na presensya.