1,066 total views
Hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mamamayan na iwaksi ang digmaan at karahasan sa halip ay paigtingin ang paglaban sa kahirapan sa buong daigdig.
Ito ang pahayag ni Pope Francis sa kanyang pagdating sa Kingdom of Bahrain nitong November 3, 2022.
Ayon sa punong pastol ng simbahang katolika, dapat bigyang prayoridad ng bawat pamahalaan ang programang makatutugon sa pangunahing pangangailangan ng nasasakupan.
“Let us reject the logic of weapons and change course, diverting enormous military expenditures to investments in combating hunger and the lack of healthcare and education.” pahayag ni Pope Francis.
Ikinalungkot ni Pope Francis na tila nakakalimutan ng tao ang tunay na tungkulin sa mundo na palaguin at pahalagahan ang buhay na ipinagkaloob ng Panginoon.
Naniniwala ang Santo Papa na ang digmaan ay nagdudulot ng pagkasira ng lipunan gayundin sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
“War brings out the worst in man: selfishness, violence and dishonesty. For war, every war, brings in its wake the death of truth.” giit ng santo papa.
Tinukoy ni Pope Francis ang walong taong digmaan sa Yemen sa Arabian Peninsula na labis ang pinsalang idinulot sa mamamayan kung saan halos limang milyong katao na ang lumikas para sa kaligtasan.
Bukod pa rito ang lumalalang suliranin ng kagutuman, cholera outbreaks, kakulangan ng suplay ng gamot, at labis na kahirapan.
Hiling ng Santo Papa sa mamamayan lalo na sa Bahrain na makiisa sa panawagang wakasan ang digmaan sa iba’t ibang panig ng daigdig lalo na sa Arabian Peninsula sa halip ay higit na isulong ang pagbubuklod upang matamo ang kapayapaan.
“I beg: Let there be an end to the clash of weapons! Let there be an end to the clash of weapons! Let there be an end to the clash of weapons! Let us be committed, everywhere and concretely, to building peace!” giit ni Pope Francis.
Kasalukuyang nasa Bahrain ang Santo Papa hanggang November 6 para sa kanyang ika – 39 na Apostolic Visit at ang kauna-unahang lider ng simbahang katolika na bumisita sa bansa.