482 total views
Mga Kapanalig, noong school year 2019-2020, may mahigit 800,000 na guro sa ating mga pampublikong paaralan. Kinakatawan nila ang 88% ng mga kawani ng Department of Education (o DepEd). Halos kalahating milyon ang elementary school teachers; 277,000 naman sa junior high school; at hindi bababa sa 61,000 ang nagtuturo sa senior high school. Kulang ang mga bilang na ito, ayon sa Alliance of Concerned Teachers, upang bumabà sa 35 ang class size o bilang ng mga estudyante sa isang klase. Kailangan pa raw ng 147,000 na bagong mga guro upang matiyak na hindi maging mabigat sa mga tagapagturo ang laki ng klase na kanilang hinahawakan.
May isang dahilan kung bakit nahihirapang punan ng DepEd ang kakulangan natin sa mga teachers.
Ayon sa Philippine Business for Education (o PBEd), isang education advocacy group, lubhang kakaunti ang mga pumapasa sa LET o ang licensure exams for teachers. Mula 2010 hanggang 2022, 37% lamang ang pumapasa sa mga kumukuha ng exam para maging ganap na guro sa elementarya, habang 40% naman para sa mga gustong maging high school teachers.
Mababa rin daw ang passing rate ng mga tinatawag na Teacher Education Institutions (o TEIs) o mga paaralang nag-i-specialize sa paglinang sa mga nais maging guro. Hindi bababà sa kalahati ng mga institusyong ito—o 56%—ang may passing rates na mas mababa sa 12-year national average. Karamihan sa mga institusyong may mababang passing rates ay nasa Mindanao.
Para sa PBEd, sinasalamin ng mga datos na ito ang mga problemang may kinalaman sa mga estudyanteng nais maging guro, sa mga paaralang nagsasanay sa kanila, at sa mismong sistema ng board exams. Anu-ano kaya ang kahinaan ng mga kumukuha ng kursong education na dahilan ng hindi nila pagpasá sa LET? Ano ang sinasabi ng mababang passing rates sa kalidad ng pagtuturo sa mga TEIs? Natututo nga ba talaga ang kanilang mga sinasanay? May kailangan bang baguhin o palakasin sa teacher education curriculum? Itinatanong ba sa exam ang mga itinuturo sa mga gustong maging elementary at high school teachers?
Sabi pa ng PBEd, nakapatong sa balikat ng mga guro ang ating kinabukasan. Ang lahat ng bagay sa ating lipunan, lalo na ang ekonomiyang dapat lumikha ng kabuhayang magbibigay ng maayos na buhay sa mga tao, ay nakasalalay sa kalidad ng ating edukasyon, kabilang ang edukasyong natatanggap ng mga nais maging tagapagturo sa ating kabataan.
Pinahahalagahan natin sa Simbahan ang papel ng mga guro. Sinabi ni Pope Paul VI sa isa niyang deklarasyon ukol sa Kristiyanong edukasyon na napakahalaga ng bokasyon ng mga guro. Sila ang katuwang ng mga magulang sa pagganap nila sa kanilang tungkuling bigyang-kaalaman ang mga bata. Isa nga itong bokasyong nangangailangan ng “special qualities of mind and heart,” espesyal na kalidad ng isip at puso. Isa itong bokasyong nangangailangan ng maingat na paghahanda at tuluy-tuloy na kahandaang maging mas mahusay at marunong umangkop sa panahon.
Kaya mahalagang pagtuunan ng pansin ang kalidad ng pagtuturo sa mga guro at sa mga nais maging guro. Sa kanilang pag-aaral pa lamang, dapat na silang mabigyan ng pagsasanay upang maging mahusay at epektibo sa bokasyong nais nilang pasukin. Dapat mahubog hindi lamang ang kanilang kaisipan kundi pati ang kanilang kalooban nang tunay na matuto ang kabataang kanilang sasamahan sa paglalakbay sa buhay. Nakaatang ang mga gawaing ito sa ating gobyernong nagpapasuweldo sa mga teachers.
Mga Kapanalig, hindi sapat ang pagbibigay-pugay sa mga tinagurian nating ikalawang magulang ng ating mga anak. Ang kailangan nila ay suporta upang mapaghusay ng mga “tumanggap ng kaloob sa pagtuturo,” ‘ika nga sa sulat ni San Pablo sa mga Taga-Roma 12:6-7, ang kanilang pipiliin o piniling bokasyon.
Sumainyo ang katotohanan.