87,489 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang pagbisita sa Germany kamakalian, ipinagmalaki ni Pangulong Bongbong Marcos Jr na ibang-iba na ang direksyon at estratehiya ng kanyang administrasyon sa pagsugpo sa paglaganap ng ipinagbabawal na droga sa ating bansa.
Sinabi ng pangulo na sa loob ng magdadalawang taon niyang panunungkulan, ang kampanya ng gobyerno kontra droga ay hindi na ginagamitan ng dahas. Kailangan daw ng “deeper understanding” o mas malalim na pag-unawa sa problema sa droga, kaya dapat itong lapatan ng “deeper solution” o mas malalim na pagtugon. Sa ganitong paraan, kitang-kita raw ang pagkakaiba ng kasalukuyang administrasyon sa administrasyon ni dating Pangulong Duterte.
Alam naman nating lahat kung gaano kabrutál ang inilunsad na war on drugs ng dating mayor ng Davao. Ito naman ang nagustuhan ng kanyang masusugid na tagasuporta at ng mga naniniwalang ganito ang “kamay na bakal” na kailangan para solusyunan ang problema natin sa droga. Ang giyerang ito ay nag-iwan ng mahigit 6,000 na kataong namatay—o sadyang pinatay—sa mga operasyong ikinasa ng mga pulis, kung paniniwalaan natin ang datos ng gobyerno. Hindi rito kasama ang mga biktima ng mga vigilante, kaya maaaring umabot sa 30,000 na buhay ang naging kapalit ng itinuturing na legacy ng administrasyong Duterte.
Alam din nating hindi rin naman tuluyang nawala ang droga sa ating bansa. Ang masaklap pa, patuloy na naghahanap ng hustisya ang mga naulila ng mga pinatay nang walang kalaban-laban at ng mga pinagkaitan ng due process. Isang pinto sana patungo rito ang bubuksan ng gagawing imbestigasyon ng International Criminal Court (o ICC), kung makikipagtulungan ang administrasyon ni PBBM.
Kaso, idinagdag pa ng pangulo sa kanyang mga sinabi habang nasa Germany, kampante raw siyang ginagawa ng ating mga institusyon ang paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng war on drugs. Mahirap daw tanggapin na isang dayuhang hukuman ang magdidikta sa ating kapulisan kung sinu-sino ang iimbestigahan at kung sinnu-sino ang huhulihin. Tila panghihimasok daw ito sa ating hurisdiksyon.
Kung tunay na pinahahalagahan ng ama ng ating bayan ang katarungan, lalo na para sa libu-libong biktima ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng nakaraang administrasyon, dapat itong gumawa ng mga paraang hindi lamang magpapalutang sa katotohanan. Dapat din nitong papanagutin ang mga sangkot sa paglapastangan sa karapatang pantao. Mga korte man natin o mula sa labas ang maghahanap ng katotohanan, dapat mabilis ang mga paraang ito.
Ngunit maaasahan nga ba natin ito gayong magkakampi—o ipinalalabas nilang magkakampi—ang mga nasa poder noon at ngayon? Baka naman sa salita lang—at hindi sa totoong gawa—pinahahalagahan ng administrasyong ito ang katarungan at karapatang pantao? Baka naman mas matimbang ang kanilang pulitikal na agenda at paghawak sa kapangyarihan kaysa sa interes ng mga biktima ng karahasan at ng mga naulilang asawa, anak, at magulang?
Obvious man para sa iba—o baka sa inyo—ang sagot sa mga tanong na ito, manatili sanang matatag ang mga kapatid nating naghahanap ng katarungan, kasama ang mga tao, grupo, at organisasyong kumakalampag sa ating pamahalaan. Sa uri ng pulitikang umiiral sa ating bayan ngayon, tila ba tinig sa iláng ang mga boses na nananawagan ng hustisya para sa mga biktima ng madugong giyera kontra droga. Huwag sana silang panghinaan ng loob o mawalan ng pag-asa. Wika nga sa Galacia 6:9, “…pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko.”
Mga Kapanalig, kasama sa tinatawag na moral function ng pamahalaan, ayon sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang pagtitiyak na nakakamit ng lahat ang katarungan. Dapat na mas mangibabaw ito kaysa sa mga personal na interes ng mga nakaupo sa puwesto. Dapat na nakikita ito sa gawa, hindi lamang sa salita.
Sumainyo ang katotohanan.