201 total views
Nararapat na gayahin ng bawat parokya ang katangian ng mga bata upang makabuo ng isang tunay at mabungang komunidad ngayong “Year of the Parish”.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, mahalaga ang katangian ng bata na mapagtiwala upang tayo bilang mananampalataya ay magtiwala sa Diyos at gawing pundasyon si Hesus sa pagbuo ng komunidad.
Inihayag ng Obispo na mahalaga ang pagtitiwala natin sa Diyos siya ang ating uunahin at gagawing inspirasyon.
“Paalala sa atin na maumpisahan natin ang pagtatayo ng communities at maging katulad tayo ng mga bata. Unang-una yung mga bata ay mapagtiwala.Siguro yung magtiwala sa Diyos na kung nandiyan siya ay walang imposible kahit mahirap na magkaisa. It is possible if the grace of God is there at kapag bukas tayo talaga sa awa ng Diyos.”pahayag ni Bishop Mallari.
Dagdag pa ng Obispo, pangalawa ang kababaang-loob ng bata ay napakahalaga para sa pagbuo ng isang masiglang komunidad.
Pagninilay ng Obispo, magiging mabunga ang bawat komunidad ng parokya kung marunong kumilala ng pagkakamali at pagkukulang at marunong humingi ng tawad sa mga kasalanan at pagkakamali.
Naninindigan si Bishop Mallari na sa pamamagitan nito ay magiging makatotohanan ang pagdiriwang ng “year of the parish” para sa 5-taong paghahanda sa ika-limandaang taon ng Katolisismo sa Pilipinas sa taong 2021 na gaganapin sa Cebu city.