3,545 total views
Muling iginiit ng Health Care Commission ng simbahan na mahalaga ang pagsusuot ng facemask upang mapangalagaan ang sarili mula sa iba’t ibang uri ng karamdaman.
Ayon kay Camillian Father Dan Cancino, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care na makakatulong ang pagsusuot ng facemask hindi lamang para makaiwas sa virus, kun’di maging sa epekto ng polusyon sa kapaligiran.
“Ang mask naman natin, it can be a barrier. Hindi lang naman COVID ang iiwasan mo kaya ka nagsusuot nito. Pwede itong proteksyon mula sa usok, pati sa ibang sakit tulad ng tuberculosis. So, kung makikita mo, marami rin talaga siyang benefits,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Fr. Cancino na higit na makakatulong ang wastong pagpapalaganap ng impormasyon upang mas maunawaan ng tao na makabubuti ang pagsusuot ng facemask bilang karagdagang proteksyon laban sa mga sakit.
Dagdag pa ng pari na layunin ng information dissemination na gisingin ang kamalayan at paigtingin ang disiplina ng publiko sa pangangalaga ng sariling kalusugan pati ng kapwa.
“Kaya nga ‘yung conscientization, increasing nung kamalayan na ‘yan ay napakaimportante talaga. Kasi baka isipin na magma-mask lang ako dahil baka may COVID, pero paano ‘yun kapag wala nang COVID, ibig sabihin ‘di na tayo magma-mask? Kung mababa ang iyong resistensya ay gawin mo ‘yung nararapat para sa iyong mga mahal sa buhay at para din sa ating sambayanan,” ayon kay Fr. Cancino.
Tagubilin naman ng pari sa publiko na patuloy lamang sundin ang minimum public health standards at pagpapabakuna dahil maraming posibilidad na mahawaan ng mga sakit dahil lamang sa pagiging kampante sa kapaligiran.
Batay sa huling ulat ng Department of Health, kasalukuyang nasa 8,600 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.