1,038 total views
April 1, 2020, 1:40PM
Hinikayat ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mananampalataya na makiisa sa pagdarasal ng Santo Rosaryo at paigtingin ang pananalangin sa Diyos upang mahinto ang pandemic corona virus disease.
Ayon sa arsobispo, makatutulong ang paghiling sa Mahal na Birhen upang magabayan ang bawat isa tungo sa habag at awa ng Kanyang Anak na si Hesus na mahinto na ang paglaganap ng virus.
“Mga kapatid you who have time and goodwill to participate in this rosary please together we lift our hearts and voices to God of course in the company of Mama Mary asking and pleading God for His mercy that what happens through over the world this pandemic of COVID be stop,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Unang araw ng Abril, pangungunahan ni Archbishop Palma ang pagdarasal ng Santo Rosaryo sa chapel ng Archbishops’ palace sa Cebu City ganap na alas nuwebe ng gabi.
Magugunitang ika – 19 ng Marso nang manawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco ng worldwide healing rosary bilang tugon sa pandemic habang ika – 25 naman ng buwan nang pangunahan ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect for the Congregation of the Evangelization of Peoples ang healing rosary mula sa Roma.
Kinilala at pinasalamatan din ni Archbishop Palma ang mga taong nangunguna sa paglaban sa nakahahawang virus at hindi alintana ang panganib na maidudulot nito.
“In this moment of fear and anxiety we thank alot of people who are giving their best in this COVID to stop; of course we give our recognition to our frontliners, doctors, nurses and those who work in the hospital,” saad ng arsobispo.
Kasabay ng pagkilala ni Archbishop Palma sa mga opisyal ng pamahalaan na tumugon at gumawa ng mga hakbang mapigilan ang pagkalat ng virus, nanawagan naman ito sa publiko na sundin ang mga panuntunang ipinatutupad tulad ng palagiang paghuhugas ng kamay at pagkakaroon ng physical distancing upang maiwasan ang pagkahawa-hawa.
Sa pinakahuling tala umabot na sa halos 800, 000 ang bilang ng positibong kaso sa buong mundo kung saan 21 porsyento dito ang gumaling na sa karamdaman habang apat na porsyento lamang ang nasawi.
Nagpasalamat din ang arsobispo sa Kanyang Kabanalan Francisco sa pagiging mabuting halimbawa ng mabuting pastol sa pagsasagawa ng pagbabasbas sa buong mundo ang Urbi Et Orbi.
Umaasa si Archbishop Palma na sa tulong ng mga panalangin at pakikiisa ni Hesus sa buhay ng tao ay malampasan ng bawat isa ang pagsubok na kinakaharap sa kasalukuyang panahon.
“As we join this healing rosary with faith let us relive because our God is the God of love; we ask Jesus to join us in the boat of our lives and as we row together, let us believe God in His mercy about this healing that we all long for,” giit ni Archbishop Palma.