224 total views
Mga Kapanalig, isa sa mga pamilyar na kuwento sa Ebanghelyo ni San Marcos ang tungkol sa pagpansin ni Hesus sa pag-aalay ng pera sa templo ng mga Hudyo bilang kanilang handog sa Panginoon alinsunod sa kanilang batas. Napansin ni Hesus na ang mayayaman ay nagsipaghulog ng malalaking halaga, samantalang ang isang dukhang balo ay naghulog ng dalawang pirasong barya. Ang wika ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng babaeng iyon, bagamat siya’y dukha, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”
Ang madalas na nakukuha nating aral sa kuwentong ito ay ang pagkabukas-palad ng dukhang biyuda. Subalit ang isang mahalagang aral na hindi gaanong nabibigyang-pansin ay kung gaano kalaki ang pagkagalit ng ating Panginoon sa mga pinuno ng templo. Bakit? Sapagkat sila ay nagkukunwaring banal at makadiyos, ngunit tinatanggap naman nila mula sa mga dukha ang mga alay na halos ikaubos ng kanilang ikinabubuhay.
Sa ating lipunan ngayon, sinu-sino ang mga dukhang labis-labis ang pagbibigay mula sa kanilang karukhaan? At sinu-sino naman ang tumatanggap na nga ng hindi nila pinagpaguran, sila pa ang tinitingala ng mga tao?
Eleksyon nang muli, at maraming mga kandidatong nagpiprisintang maglingkod sa bayan. Marami sa kanila ay mapera, at dahil dito tinitingala ng mga botante kahit pa ang ilan sa kanila ay naiuugnay sa pagnanakaw sa kaban ng bayan at napatunayang hindi nagbabayad ng buwis.
Ang mga manggagawa, na siyang nakararami sa atin, ay maliliit ang kinikita. Sila ang mga magsasaka at mangingisdang nagpapakain sa atin. Sila ang mga tsuper, mga kargador, mga construction worker, janitor, security guard, guro, nars, manggagawa sa pabrika, nagtitinda sa palengke, at marami pa, na lahat ay may ambag sa pagpapapaunlad at pagpapagaan ng ating buhay.
Alam ba ninyong noong 2011, ang kayamanang angkin ng apatnapung pinakamayayamang Pilipino ay katumbas ng 76% ng gross domestic product o pambansang yaman ng Pilipinas? Noong 2016, ang ipon ng pinakamayayamang isang porsyento lamang ng ating populasyon ay katumbas ng 65% ng kabuuang ipon sa bansa. Samantala, ang ipon ng 99% ng mga Pilipino ay katumbas lamang ng 35% ng ipon sa buong bansa. Ganito kalaki ang agwat ng kinikita at naiipon ng mga mayayaman kumpara sa nakararaming mahirap sa ating bansa.
Paano kayang nagkaganito? Hindi kaya natin naiisip na ang mga may hawak ng mga pabrika, mga korporasyon, at malalaking negosyo ay maaaring hindi nagbibigay ng sapat na sahod sa kanilang mga manggagawa? At ang parehong malalaking mga negosyante at may-ari ng naglalakihang mga korporasyon sa bansa ay maaaring hindi nagbabayad ng wastong buwis na magagamit para sa ayuda at subsidiya para naman sa mga mahihirap? Kung minsan, ang buwis na nakokolekta, maliit na nga lang na bahagi ng dapat kolektahin, ay ninanakaw pa ng mga namumuno sa gobyerno. Ang gobyerno mismo, na siyang pinakamalaking taga-empleyo, ay maraming kontraktwal na mga manggagawang meron lamang job order o contract of service kaya mababa na ang sahod, wala pang mga benepisyo. Hindi nga ba dapat lang na magalit tayo sa ganitong kawalan ng hustisya, katulad ng pagkagalit ni Hesus sa mga mayayaman at opisyales sa templo na tumatanggap sa alay ng mga dukha?
Mga Kapanalig, maging ang ating Simbahan ay pinapaalala sa ating ang naglalakihang agwat sa yaman sa loob ng isang lipunan ay malaking iskandalo at sumisira sa dignidad ng tao at sa kapayapaan sa lipunan. Wika nga ni Pope Francis sa Evangelii Gaudium, ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ay ang ugat ng lahat ng sakit ng lipunan.