265 total views
Namangha ang pamunuan ng Aid to the Church in Need Philippines sa nakitang masiglang ugnayan at pagkakapatiran ng mga Muslim at Kristyano sa Apostolic Vicariate of Jolo kasunod ng naganap na dalawang pagsabog sa Jolo Cathedral noong ika-27 ng Enero.
Nasaksihan ni ACN Philippines National Director Jonathan Luciano nang personal sa pagbisita sa lalawigan kung paano makisalamuha ang mga Muslim sa mga Kristyano at pagpapahayag ng pakikiramay sa mga nasawi sa pagsabog.
“Nakakamangha dahil nakita ko kung paano makisalamuha ang mga Muslim sa mga Kristiyano. Dumalaw kami sa mga namatayan at karamihan sa mga nakikiramay ay mga Muslim. Isang indikasyon ng masiglang ugnayan at pagkakapatiran.”pahayag ni Luciano sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ni Luciano na ang madugong pagpapasabog sa Cathedral ng Jolo ay kagagawan ng mga terorista at hindi ng mga Muslim na pareho ang saloobin sa mga mamamayan sa lalawigan.
Sinabi ni Luciano na mapa-Kristyano man at Muslim ay iisa ang boses sa pagkundina sa naganap na karahasan at sa panawagan na mabigyang katarungan ang pagkamatay ng 22-inosenteng indbidwal.
“Ang karahasang nangyari sa Jolo ay gawain ng mga terorista at hindi ng mga Muslim. Ito ang saloobin ng mga kababayan at ng mga kapatid natin sa Jolo, Kristiyano man o Muslim. Sa gitna ng kalungkutan, takot at galit, nangibabaw pa din ang pagkakapatiran ng mga Tausug- Kristiyano at Muslim. Iisang boses nilang kinundena ang ginawang pagpapasabog sa Katedral ng Jolo.” Dagdag pa ni Luciano.
Kasunod ng pagbisita sa lalawigan partikular na sa nasirang Jolo Cathedral ay tiniyak rin ni Luciano ang pakikiisa ng ACN Philippines sa muling pagbangon ng mga mananamapalataya sa Apostolic Vicariate of Jolo.
Kasabay naman ng paggunita sa ika-22 taon ng pagkamatay ni Bishop Benjamin De Jesus, OMI na pinaslang sa harap mismo ng Jolo Cathedral noong February 4, 1997 ay inalala at binigyang pugay rin ng mga mananamapalataya ng Apostolic Vicariate of Jolo ang 22-nasawi sa Jolo Cathedral bombing at ang dalawang pari na una ng napaslang na sina Fr. Benjamin Inocencio, OMI at Fr. Jesus Reynaldo Roda, OMI na pinaslang sa gitna ng kanyang misyon sa isang bayan sa Tawi-Tawi noong January 15, 2008.
Batay sa Catholic Directory of the Philippines may aabot sa 29,500 ang bilang ng mga mananampalatayang Katoliko sa Apostolic Vicariate of Jolo mula sa mahigit 1.7-milyong kabuuang populasyon sa lugar.