38,354 total views
Opisyal ng ipinasa ni Legazpi Bishop Joel Baylon- outgoing chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang posisyon kay Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio bilang chairman ng kumisyon.
Sa kanyang mensahe nagpaabot ng pasasalamat si Bishop Baylon sa lahat ng kanyang mga nakatuwang sa paglilingkod sa kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa loob ng nakalipas na 6 na taon o tatlong termino sa katungkulan.
Ayon kay Bishop Baylon, mahalaga ang tulong at partisipasyon ng bawat isa upang maisakatuparan ang misyon ng kumisyon na maipadama sa mga Persons Deprived of Liberty ang habag, awa at pagmamahal ng Panginoon sa kabila ng kanilang mga nagawang pagkakasala sa buhay.
“I have been privileged to have people these lay people volunteers and staff members ng commission na nag-commit talaga. I found my tasks very easy to bear because they have been there committed walang gaanong remuneration ito karamihan sa kanila volunteers pero committed talaga sila so napadali yung trabaho ko, and I’m sure Bishop Oscar will have the same people and sana mas dumami pa para mas maging magaan yung ano (pagsakatuparan ng mission), I hope for the best for him.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Baylon sa Radio Veritas.
Samantala, tiniyak naman ni Bishop Florencio ang pagpapatuloy sa mga nasimulan ni Bishop Baylon sa nakalipas na anim na taon sa katungkulan bilang chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care.
Kabilang sa planong tutukan ng Obispo ang higit na pagpapaigting sa ugnayan ng mga Volunteers in Prison Service na naglilingkod para sa mga PDLs at mga lingkod ng Simbahan kabilang na ang mga pari at Obispo mula sa iba’t ibang diyosesis.
“Unang una hindi siguro ako makakapangako ng marami at mabibigat na mga bagay siguro ang unang gagawin ko is ituloy lamang kung anong mga best practices ng naunang chairman at saka commission ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, pangalawa siguro sisikapin ko din na magkaroon ng istruktura upang hindi lang ngayon, hindi lang bukas, istruktura upang matulungan ng masinsinan yung mga kapatid natin yung PDLs. Ang ibig kong sabihin unang una ay makipag-ugnayan siguro ng masinsinan hindi lang yung mga VIPS but mga pari din at saka bishops.” Pahayag naman ni Bishop Florencio.
Naganap ang formal turn-over ceremony ng chairmanship ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care kasabay ng huling araw ng 12th General Assembly of Chaplains and Volunteers in Prison Service sa Angels Hills Retreat & Formation Center, Tagaytay City noong ika-17 ng Nobyembre, 2023 na nagsimula noong ika-13 ng Nobyembre, 2023.
Samantala, mananatili naman bilang executive secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care si Rev. Fr. Nezelle O. Lirio.
Batay sa tala, umabot sa mahigit 250 ang bilang ng mga delegadong chaplains at Volunteers in Prison Service mula sa iba’t ibang diyosesis na nakibahagi sa limang araw na pagtitipon kung saan kabilang sa bilang na ito ang mahigit 40 ng mga Pari habang mahigit naman sa 10 ang mga religious sisters.