972 total views
Mga Kapanalig, habang isinusulat ang editoryal na ito, patuloy na tinutupok ng apoy ang malaking bahagi ng Mount Apo, ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas. Ang Mt. Apo, na matatagpuan sa mga probinsya ng Cotabato at Davao del Sur, ay tirahan ng maraming hayop na dito lang sa Pilipinas matatagpuan gaya ng ating pambansang ibon, ang Philippine eagle, at ng mga puno’t halamang daang libong taon na ang tanda.
Nagsimula pa noong ika-26 ng Marso, Sabado de Gloria, ang sunog sa Mt. Apo. Sa taya ng mga kinauukulan, umabot na sa humigit-kumulang 300 ektaryang forest cover na ang naapektuhan. Iminungkahi na ang pangmatagalang pagsasara sa publiko ng Mount Apo Natural Park para mapangalagaan ito mula sa panganib at pinsalang dala ng mga taong umaakyat dito. Sinasabi kasing nagsimula ang apoy nang magsindi ng sigâ ang mga mountain climbers para labanan ang malamig na temperatura. Ayon sa mga eksperto, ang paminsan-minsang pagkakaroon ng forest fires ay normal lalo na sa panahon ng tagtuyot, at ang nagpapatuloy na El Niño ang tinitingnan dahilan sa likod ng mabilis na pagkalat ng apoy. Pinangangambahang may masamang epekto hindi lamang sa mga halaman at lupa sa bundok ang apoy, ngunit pati na rin sa pamumugad doon ng kakaunti na ngang Philippine eagle.
Mga Kapanalig, ang banta ng El Niño o matinding tagtuyot ay alam na natin bago pa man ito dumating. Subalit hindi pa rin sapat ang mga naging paghahanda ng kinauukulan para maibsan o maiwasan ang mga posibleng epekto nito sa atin at sa ating kapaligiran. Maaalalang kamakailan rin ay naganap ang madugong dispersal ng mga magsasaka sa Kidapawan dahil sa kawalan nila ng makakain dulot ng matinding epekto ng El Niño sa kanilang mga pananim. Ngayon naman, nasusunog ang mga bundok at nahihirapan tayong apulahin ito.
Ang pangangalaga ng kagubatan at mga hayop at halaman na matatagpuan sa Mt. Apo ay hindi lamang responsibilidad ng ating pamahalaan o ng mga pamayanan sa paligid nito. Bawat isa po sa atin ay may pananagutang alagaan ang ating kapaligiran. Ipinapaalala sa atin ni Pope Francis sa kanyang encyclical na Laudato Si’ na ang kalikasan o natural environment ay isang “collective good”, isang kabutihang dapat ay pinagsasalu-saluhan nating lahat. At dahil dito, responsibilidad nating pangalagaan ito.
Para kay Arsobispo Romulo Valles ng Davao, ipinakikita ng nagaganap na sunog sa Mount Apo ang matinding pangangailangan para magpatupad ng mas istriktong mga patakaran para mapangalagaan ang ating kalikasan. Aniya, hindi tayo dapat kumukilos lamang kapag nariyan na ang isang trahedya; ang kailangan ay sama-samang pagkilos para maiwasan ang anumang gawaing sisira sa ating mga kagubatan gaya ng pag-iiwan ng basura sa ating kabundukan at iresponsableng pagsisiga.
Ang tungkuling pangalagaan ang kalikasan ay hindi lamang sa ating kasalukuyang henerasyon. Ito ay dapat na ipinapasa rin sa mga susunod sa atin. Kaya’t ang pag-aalaga sa ating kapaligiran ay pag-aalalaga rin sa kinabukasan ng ating pamilya, pamayanan, at ng ating bansa.
Mga Kapanalig, ipagdasal natin ang agarang pag-apula ng sunog sa Mount Apo. Ipagdasal natin ang lokal na pamahalaan na nawa’y makagawa sila ng mga tamang hakbang para hindi na maulit ang ganitong pangyayari habang isinasaalang-alang naman ang kabuhayan ng mga kababayan nating nakasalalay sa kagubatan at turismo.
Higit sa lahat, ipagdasal natin ang paggaling at paghilom ng ating kalikasan dahil, gaya nating mga tao, ito rin ay dumadaan sa matinding sakit. Alam nating hindi natatapos sa pagkamatay ng mga pananim o pagkasunog ng bundok ang epekto ng El Niño. Mas malaki ang pinsalang dala ng ating kapabayaan.
Sumainyo ang katotohanan.