239 total views
Ipagdasal ang bawat isa nang sa gayun ay maging ligtas sa anumang uri ng kalamidad.
Ito ang panalangin ni Davao Archbishop Romulo Valles, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa nalalapit na pagtatapos ng taon lalu’t isa na namang bagyo ang nakaambang pumasok sa bansa.
“Lord almighty and loving God we pray for our people especially to those who are suffering and those who died in the recent storms and even as one is set to be coming to the Philippines. We pray for the homeless, the elderly and children,” ayon sa panalangin ng Arsobispo.
Una na ring inihayag ng Pagasa na posibleng mamuo bilang isang bagyo ang namataang sama ng panahon na maaring muling tumama sa lugar na nasalanta ng bagyong Urduja at Vinta.
Dagdag pa ng arsobispo, nawa ay hindi mawalan ng pagasa ang mga nagdurusa at maramdaman pa rin ang pag-ibig ng Panginoon sa pamamagitan na rin ng tulong mula sa mga taong nagmamalasakit.
“Let us pray for all and each one, so that when we welcome the New Year even with darkness and so much suffering we will keep our faith in the mercy and compassion of the Lord. Will keep our hope that through our kindness and care for each other, people will know and feel that the Lord is love,” ayon pa kay Archbishop Valles.
Una na ring nanawagan ng tulong ang Caritas Philippines para sa mga nasalanta ng bagyo na hanggang ngayon ay nasa mga evacuation centers.
Sa katatapos lamang na bagyong Urduja, umabot sa 40 katao ang nasawi habang nakapagtala naman ang Vinta ng kabuuang higit sa 100 ang nasawi at may 200 katao pa ang naiulat na nawawala partikular na naapektuhan ng bagyo ay ang Compostela Valley, Davao del Norte, Lanao del Norte, Lanao del Sur at Misamis Oriental.
Sa Davao, ayon kay Archbishop Valles may dalawa pang kapilya ang puno pa rin ng mga evacuees, ito ayon sa kaniya ay ang mga lumikas mula sa umapaw na ilog sa Davao.
Humiling din ng panalangin ang arsobispo para sa mga nasawi sa naganap na malaking sunog sa NCCC mall sa Davao City kung saan may 37 call center agents ang nasawi.