48,797 total views
Mga Kapanalig, inapubahan bago matapos ang Hunyo ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang ₱35 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa dito sa National Capital Region (o NCR). Mula ₱610 ay magiging ₱645 ang minimum daily wage ng mga non-agricultural workers sa rehiyon.
Dismayado dito ang ilang labor groups. Para sa National Wage Coalition, na binubuo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Kilusang Mayo Uno, Nagkaisa!, at Trade Union Congress of the Philippines, isa itong “disgrace” o kahihiyan para sa mga manggagawa. Insulto raw ang ₱35 na dagdag sa arawang sahod; ni hindi nga raw ito makakabili ng isang kilong bigas. Ayon naman sa Federation of Free Workers, ipinakita lamang muli ng wage board na manhid sila sa kalagayan ng mga manggagawa. Para sa kanila, pinili raw ng wage board na protektahan ang interes ng mga negosyante, sa halip na bigyang-halaga ang mas malaking layunin ng pagtataas ng sahod para sa kabutihan ng bayan.
Gaya ng inaasahan, may mga negosyanteng umaaray sa panibagong umento sa sahod. Para sa Employers Confederation of the Philippines, masyado itong mataas kumpara sa kinse hanggang bente pesos na dagdag-sahod na iminungkahi nila. Mahihirapan daw ang mga negosyante, lalo na ang may may microbusiness, sa ₱35 na dagdag sa minimum daily wage.
Matagal ng isinusulong ng ilang labor groups ang mas mataas na arawang sahod ng mga manggagawa. Noong Pebrero, pumasa sa Senado ang panukalang dagdagan ng ₱100 ang arawang sahod. Pinangambahan ito ng mga negosyante. Ayon pa sa National Economic and Development Authority, maaari daw itong mauwi sa mas mabilis na pagtaas ng mga bilihin at mas maraming walang trabaho. Para maitaas ang suweldo ng mga manggagawa, gagawin ng mga negosyanteng mas mahal ang ibinebenta nilang mga produkto. Sa madaling salita, magiging pasanin pa ito sa mga mamimili. Kung hindi ito magagawa, baka mapilitan daw ang ilang negosyong magsara na lang.
Sa Kamara naman, hindi umuusad ang House Bill No. 7871 o Wage Recovery Act na layong gawing across-the-board ang ₱150 na umento sa arawang sahod ng mga nagtatrabaho sa pribadong sektor. Para sa Gabriela Party-list, kulang na kulang ang umento sa sahod na inaaprubahan ng wage board. Hindi ito sapat para makahabol ang mga manggagawa at kanilang pamilya sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon sa Catholic social teaching na Laborem Exercens, ang sahod ang pinakamahalagang pamamaraan para makamit ang katarungan sa paggawa. Gamit ang suweldong natatanggap natin kapalit ng ating pagtatrabaho, mabibili natin ang ating mga pangunahing pangangailangan. Kaya sagabal sa pagkamit ng isang buhay na may dignidad ang hindi makatarungang pasahod.
Binibigyang-diin din ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang mahalagang papel ng pamahalaan upang siguruhing nababalanse ang lahat ng interes sa pagsusulong ng kaunlaran. Hindi tunay at hindi ganap ang kaunlaran kung may mga isinasantabing manggagawa. Kinakailangan ang aktibong papel ng pamahalaan sa pagsigurong may mga patakarang ginagawang patas ang pakinabang ng lahat sa mga bunga ng pag-unlad.
Seryosong ang usapin ang umento sa sahod. Sa isang banda, dapat siguruhing nakakamit ng mga manggagawa ang isang makatarungan at nakabubuhay na sahod. Sa kabila naman, kailangang kilalanin ang epekto ng anumang pagbabago sa itinatakdang sahod sa mga lumilikha ng trabaho, lalo na ang maliliit na negosyo.
Mga Kapanalig, sabi nga sa 2 Tesalonica 3:10, “Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.” Para din nitong sinasabing ang mga nagtatrabaho ay dapat na makatanggap ng sahod na sapat sa kanilang mga pangangailangan. Makatarungang pasahod at suporta din sa maliliit na negosyo ang hinahanap natin. Sa huli, hangad natin ang isang kaunlarang lahat ay nakikinabang at walang isinasantabi.
Sumainyo ang katotohanan.