384 total views
Ito ayon kay Fr. Angel Cortez-executive secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) ang indikasyon ng hatol na habangbuhay na pagkabilanggo sa mga pangunahing suspect sa itinuturing na Worst Election Crime in Philippine History noong November 23, 2009.
Ayon kay Fr. Cortez, sa dami ng hindi magagandang balita at pangyayari sa bansa ay isang magandang regalo para sa sambayanang Filipino lalo na para sa mga simpleng mamamayan ang pag-asang hatid ng katarungan para sa mga nasawing biktima at kanilang pamilya.
“Ito ay isang palatandaan na may pag-asa pa ang sistema ng hustisya dito sa ating bansa lalong lalo na para doon sa mga maliliit na tao na walang kakayanin kundi patuloy nilang ipaglaban yung kanilang mga karanasan lalong lalo na yung mawalan ng pag-asa sa buhay,” ang bahagi ng paghayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Nagpasasalamat din ang pari kay Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis-Reyes branch 221 na naging instrumento ng Panginoon upang makamit ng pamilya ng 58-biktima ng Maguinadanao massacre ang katarungan makalipas ng 10-taon.
Hinimok rin ni Fr. Cortez ang bawat isa na ipanalangin na patuloy na pangalagaan at gabayan ng Panginoon ang hukom upang mas marami pa itong matulungan at mabigyang ng katarungan lalu na mula sa maliliit na sektor ng lipunan.
“Nawa ay protektahan siya at gabayan ng Panginoon at ng Banal na Espiritu ng sa ganun ay mas marami pa siyang mga taong matulungan hindi lamang itong mga biktima ng Maguindanao massacre…” Dagdag pa ni Fr. Angel Cortez.
Ayon sa Pari, isang mensahe rin ang naging paghatol sa mga pamilyang naulila ng nagaganap na extrajudicial killings sa bansa na mayroong pag-asa na makamit ng kanilang mga mahal sa buhay ang katarungan sa kanilang pagkamatay lalo na sa ilalim ng marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Paliwanag ni Fr. Cortez, tulad ng mensahe ng adbyento na paghahanda sa pagdating ni Hesus sa sanlibutan ay hindi rin dapat na mawalan ng pag-asa ang bawat isa sa pagdating ng katarungan.
“Napakaganda na ngayon ay nasa panahon tayo ng adbyento at papasok ang kapaskuhan huwag silang mawawalan ng pag-asa, yan naman ang mensahe ng adbyento yung pag-aantay sa tamang panahon at habang nag-aantay kasama na din dun yung pagpapanibago ng kanilang puso na kahit na masakit ay natuturuan pa rin silang makapagpatawad…” Dagdag pa ni Fr. Angel Cortez.
Sampung taong hinintay ng mga kaanak ng 58 biktima ang katarungan sa malagim na trahedya sa Maguindanao na kinabibilangan ng 32 mamamahayag.
Sa sala ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Branch 221 ay hinatulan ng guilty sa 57 counts ng kasong pagpatay ang mga principal accused sa kaso kabilang na sina Datu Unsay Andal Ampatuan Jr., Datu Zaldy Ampatuan, Datu Anwar Ampatuan at iba pang akusado kung saan pinatawan ng parusang reclusión perpetua, o pagkakakulong ng mula 20 hanggang 40 taon, na walang piyansa ang mga ito.
Sa kabuuan, 28 ang convicted principal accused na nahatulan ng reclusión perpetua without parole; 15 naman ang convicted as accessories to the crime na nahatulan ng 6 hanggang 10 taong pagkakakulong; habang nasa 56 na akusado naman na karamihan ay mga pulis kasama na si Sajid Islam Ampatuan ang acquitted sa kaso dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya na magtuturo sa kanilang pagkakasangkot.
Naisantabi naman ng hukuman ang kaso ng may pitong akusado na una ng yumao kabilang na ang itinuturong utak sa nasabing masaker na ama ng mga Ampatuan na si Datu Andal Ampatuan Sr. na namatay noong 2015 habang nasa piitan dahil sa liver cancer.