352 total views
Inihayag ng pangulo ng Union of Metro Manila Cooperatives (UMMC) na higit pinagtutuunan ng mga kooperatiba ang pagtulong sa mga dukha sa lipunan.
Ayon kay Radio Veritas President Rev. Fr. Anton CT Pascual, Interim chairman ng UMMC, pinaiigting ng mga kooperatiba ang pagbubuklod- buklod upang mapagtuunan ng pansin ang mga adbokasiyang makatutulong sa mamamayan.
“Basically ang kooperatiba ay isang social enterprise, ito’y isang negosyo ng bayan kaya associate enterprise; ang iniisip ay ang common good kahalagahan ng pagtutulungan para sa kapakinabangan ng lahat,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Binigyang diin ni Fr. Pascual na ang social enterprise ay maituturing din na social mission na layong tulungan ang mga nasa laylayan maiangat ang antas ng pamumuhay kung saan nagkakaisa ang mga maliliit na sektor upang magnegosyo para sa kanilang pangangailangan.
Bukod dito, ay binuo rin ang cooperative union upang higit pang mapalakas ang pagsulong ng adbokasiya ng kooperatiba na siyang namamahala sa mga pagsasanay, edukasyon at pagpapalaganap ng ideolohiya ng kooperatiba; ang pagkakaisa at pagtutulungan sa pamamagitan ng kooperatibang pamamaraan.
Ang pahayag ni Fr. Pascual ay kaugnay sa ginaganap na Metro Manila Cooperative Union Congress sa kauna unahang pagkakataon sa ika – 16 hanggang 17 ng Oktubre sa Winford Hotel Manila kung saan tinatalakay ang mga hakbang na maari pang gawin para mas patatagin pa ang samahan ng mga kooperatiba sa bansa.
Ito rin ay bahagi ng pagdiriwang ng buwan ng kooperatiba ngayong Oktubre kaya’t nagtitipon ang halos 1, 000 mga kinatawan ng iba’t ibang kooperatiba sa Metro Manila para sa pagsusulong ng cooperative union.
Sinabi rin ni Fr. Pascual na bibigyang pansin din dito ang pagtulong sa sektor ng agrikultura upang mapalakas ito dahil ito ang pinakamahinang sektor ng bansa.
“Ang isang mabigat na hamon ay yung ating marginalized sectors; ang farmers at fishermen ay matulungan ng kooperatiba,” ani ni Fr. Pascual.
Isa sa mga pamamaraang ibinahagi ng pari ang pagtulong sa pagbibigay puhunan sa mga magsasaka, pagbili ng mga kagamitan sa pagsasaka na makatutulong sa mas mabilis na produksyon at transportasyon ng mga produkto sa mga pamilihan.
Bilang pakikiisa ng Simbahan sa mga adbokasiyang sugpuin ang kahirapan sa bansa may 30 hanggang 40 kooperatiba sa inisyatibo ng Simbahang Katolika tulad ng Simbayanan na itinatag ni Fr. Pascual noong 1991 kung saan umabot na sa 1.3 bilyong piso ang asset sa 70, 000 mga kasapi.
Sa mensahe naman ni Pangulong Rodrigo Duterte umaasa itong mapagtibay pa ang pagtutulungan ng mga sektor at ng pamahalaan at mapag-ibayo ng kooperatiba ang pagsusulong sa mas matatag na sektor ng pagnenegosyo sa kapakinabangan ng mga Filipino.
“It is my hope, that as you foster important initiatives and programs in your respective organizations, you will be able to uphold the crucial role of cooperatives in promoting a stronger and more conducive business environment and together let us pave more paths of progress and march towards a better future for all,” bahagi ng mensahe ni Pangulong Duterte.