1,185 total views
Dismayado ang United Nations sa naging desisyon ng UN Climate Change Conference o COP27 Summit sa Sharm El-Sheikh, Egypt kaugnay sa pagbabawas ng carbon emissions.
Ayon kay UN Secretary-General Antonio Guterres, nananatili pa rin sa panganib ang buong mundo bunsod ng epekto ng climate crisis.
Inilarawan ni Guterres ang desisyon ng COP27 na malinaw na hindi sapat upang mabawasan ang nalilikhang emission.
“Our planet is still in the emergency room. We need to drastically reduce emissions now, and this is an issue this COP did not address,” ayon kay Guterres.
Iginiit ng opisyal na bagamat mahalaga ang paglalaan ng pondo sa loss and damage mechanism ay kailangan pa rin ng daigdig ang malaking hakbang na makakatulong sa pag-abot sa layuning pigilan ang patuloy na pag-init ng temperatura ng mundo.
“The world still needs a giant leap on climate ambition. The red line we must not cross is the line that takes our planet over the 1.5-degree temperature limit,” saad ni Guterres.
Kaugnay nito, pinuri ni Greenpeace Southeast Asia executive director Yeb Saño ang pagkakatatag ng Loss and Damage Financial Fund sa COP27 dahil makakatulong ito sa mga bansang lubhang apektado ng mga pinsala mula sa mga sakuna.
Ayon kay Saño, kailangan lamang matiyak na ang mga bansa at korporasyong dapat higit na managot sa krisis sa klima ang mas makakapagbigay ng malaking ambag sa loss and damage fund.
Nangangahulugan ito na ang mga bago at karagdagang pondo mula sa mayayamang bansa ay makakatulong sa mga developing countries at mahihinang pamayanan na matutustusan hindi lamang ang pinsala mula sa sakuna, kundi maging sa pakikiangkop at pagbabawas sa epekto ng climate crisis.
“Developed countries must make good on the existing US $100bn per year pledge to support low income countries to deliver carbon-cutting policies and increase resilience to climate impacts. They must also implement their commitment to at least double funding for adaptation,” pahayag ni Saño.
Pinagtibay ng 200 bansang nakilahok sa COP27 Summit ang kasunduan sa paglikha ng pondo upang matulungan ang mga mahihirap na bansa na makayanan ang idinulot na pinsala ng mga sakunang sanhi ng pag-init ng daigdig.