415 total views
Nanawagan ang Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle, Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples, sa lahat na sama-samang magtulugan upang ipalaganap ang kaharian ni Kristo sa sanlibutan.
Sa pagninilay ng Cardinal sa Banal na Misa sa Pontificio Collegio Filippino ay binigyang diin nito na mahalagang muling buhayin ang diwa ng pag-aalay ng sariling buhay sa kapwa sa pamamagitan ng paglilingkod para sa ikabubuti ng mas nakararami at hindi para sa pansariling interes o kapakinabangan.
“Magtulong tulong po tayo ipalaganap ang kaharian ni Hesus, buhayin ang diwa ng pagiging buhay para sa kapwa na walang hangad kundi makapaglingkod at maidulot ang mabuti para sa iba, walang hangad na maging importante ako, walang hangad na ako ay makilala, walang hangad na marami akong mauutusan at matatapakan,” pagninilay ni Cardinal Luis Antonio Tagle.
Partikular na pinuna ni Cardinal Tagle ang pag-aagawan sa posisyon ng mga nagnanais na maging opisyal ng bayan na tanging posisyon at kapangyarihan lamang ang tunay na ninanais at hindi ang paglilingkod sa taumbayan.
Iginiit ni Cardinal Tagle na higit na kinakailangan sa ngayon ng daigdig ang paraan ng pamumuno ni Hesus na handang i-alay ang kanyang sariling buhay para sa kapakanan at kabutihan ng taumbayan.
“We badly need Jesus’ brand of kingdom we see how the world, how human beings, how creation are being destroyed by this crazy search for being seated at the right hand, being seated at the left hand nag-aagawan sa posisyon, hindi naman nag-aagawan sa paglilingkod and when they get seated at the right at the left of whoever they lorded over others, they make their importance felt,” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Pagbabahagi ng Cardinal na mahalaga ang patuloy na pananalangin upang tuwinang hingin ang paggabay ng Panginoon sa lahat ng aspekto o bahagi ng paraan ng pamumuhay ng bawat isa.
“Patuloy pong manalangin at sa pananalangin linisin ang ating mga puso para ang hihingin natin ay ang naaayon sa paghahari ni Kristo,” paalala ni Cardinal Tagle.