357 total views
Mga Kapanalig, ang lehislatura—na binubuo ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso—ay isa sa tatlong sangay ng ating gobyerno. Ang dalawang iba pa ay ang ehekutibo (na nasa ilalim ng pangulo ng bansa) at ang hudikatura (na nasa ilalim naman ng Korte Suprema). Ang lehislatura ang may kapangyarihang gumawa ng mga batas at magpasá ng pambansang badyet. May kakayahan din itong pagtibayin o tanggihan ang mga ina-appoint ng presidente. Nag-iimbestiga rin ang mga mambabatas bilang tulong sa paggawa ng mga batas.
Ngunit nitong mga nakaraang linggo—o kahit noon pa man, sa totoo lang—ang lehislatura, lalo na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso o House of Representatives ay mistulang sabungan kung saan nag-aagawan sa kapangyarihan at kontrol ang mga pulitiko. Hindi nila iyon siyempre aaminin, ngunit hindi naman tayo bulag, bingi, at manhid para hindi mahalatang may tensyon sa pagitan ng magkakaibang partido roon. May kanya-kanyang “manok” ang mga paksyong nais makuha ang kapangyarihan sa Kamara, at kanya-kanya ang mga mambabatas sa pagkampi sa kung sino ang liyamado at magkapagbibigay sa kanila ng mas maraming pabor. Sa pagkakataong ito, mukhang nabigo ang mga nagbabalak agawin ang pamunuan ng Kamara. May mga kagyat na inalis sa mataas na posisyon. May mga ginantimpalaan naman para sa kanilang katapatan sa kasalukuyang liderato. Masaya ang mga may kontrol sa lehislatura dahil maaga raw nilang nasugpo ang mga nagbabalak ng destabilisasyon.
Sinasabi ng liderato ng Kamara na sa kabila ng mga ganitong isyu, marami namang mga panukalang batas ang umusad sa mga komite at naghihintay na lang mga deliberasyon sa plenaryo. Bago ang kanilang Lenten break, ipinagmalaki ng liderato ng Kongreso na 23 sa 31 na priority bills ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr ang na-approve nila sa pangatlo at panghuling reading. Ang mga nakabinbing mga panukalang nais maging batas ng pangulo ay may kinalaman daw sa paglikha ng mas maraming trabaho at sa pagpapasigla ng ating ekonomiya. Kabilang sa mga ito ang National Land Use Act na matagal nang isinusulong ng iba’t ibang grupo, gayundin ang isang wage assistance program para sa mga nawalan ng trabaho o hanapbuhay.
Ang mga ito sana ang unahin ng ating mga mambabatas sa halip na ang pag-aagawan sa kapangyarihan. At kung tinatalakay man nila ang mga priority bills na ito, tila pinipili lamang ng ating mga kongresista ang lalahukan nilang deliberasyon. Halimbawa, noong tinalakay sa plenaryo ang National Land Use Act, walang tinatawag na physical quorum sa Kamara. Nakakahiya raw ito, ayon kay Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas, para sa mga estudyanteng required nang pumasok sa kanilang paaralan. Nakakahiya rin sa mga manggagawa at empleyadong oibligado nang pumasok sa kanilang trabaho. Pero noong may alingas-ngas ng agawan sa puwesto, mabilis pa sa alas-kuwatro, ‘ika nga, ang mga congressmen at congresswomen sa pagsuporta sa kanilang mga padrino.
Sa Pacem in Terris, isang Catholic social teaching, binibigyang-diing ang mga lingkod-bayan—kabilang ang kagalang-galang nating mga mambabatas—ay hindi dapat lumilihis sa kabutihang panlahat o common good. Kung ang lakas, oras, at atensyon ng ating mga mambabatas ay nakatuon sa pag-aagawan sa kapangyarihan, masasabi ba nating common good ba ang kanilang itinataguyod? Ano ang sinasalamin ng mabagal nilang pagtalakay sa mga panukalang batas na pakikinabangan ng lahat kung sakaling maisabatas? Ano ang ipinahihiwatig ng hindi nila pagdalo sa deliberasyon ng mahahalagang batas?
Mga Kapanalig, wika nga sa Roma 13:1-4, “walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral.” Ipanalangin nating maunawaan ng ating mga mambabatas na ang kapangyarihang tangan nila ay dapat na ginagamit para sa kabutihang panlahat na siyang kalooban ng Diyos.
Sumainyo ang katotohanan.