572 total views
Mapapakinggan na ang unang batingaw ng kampana ng Balangiga sa pagbabalik nito sa Eastern Samar sa ika-15 ng Disyembre matapos ang higit isandaang taon.
Ito ang inihayag ni Msgr. Pepe Quitorio, Media Director ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at head ng Balangiga Committee ng Borongan.
Ayon kay Msgr. Quitorio, inaasahan din ang pagdalo ng Pangulong Rodrigo Duterte, Defense Secretary Delfin Lorenza at Borongan Bishop Crispin Varquez, CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles sa isasagawang turn over ceremony ng mga kampana sa mga opisyal ng simbahan.
“Duon sa Balangiga mayroong talks. Meron ding ‘viewing’ tungkol sa backgrounder ng nangyari noon. Magkaroon din ng ‘ringing of the bells’ and some minutes of silence para sa mga namatay sa encounter noong 1901,” ayon kay Msgr. Quitorio sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Isang misa ng pasasalamat din ang isasagawa alas-4 ng hapon sa St. Lawrence Parish o kilala bilang Balangiga church kung saan maririnig na rin ang kauna-unahang pagtunog ng makasaysayaang kampana ng Balangiga.
Ang Balangiga bells ay tatlong kampana na kinuha ng United States Army sa bayan ng Balangiga noong 1901 – ang isa ay hawak ng Camp Red Cloud na nakabase sa Korea, habang ang dalawa naman ay nasa Warren Air Force Base sa Wyoming.
Unang tinangkang bawiin ng Pilipinas ang mga kampana ng noo’y pangulong Fidel Ramos, habang lumiham na rin ang Diocese ng Borongan noong 2005.
Sa pahayag noon ng CBCP sinabing hindi dapat gamitin ang mga kampana ng simbahan bilang mga tropeyo ng digmaan.
Taong 1950’s nang unang magtangka ang simbahan na bawiin mula sa mga Amerikano ang kampana na pag-aari ng simbahan.
Sa kaibla nito, tuwing ika-29 ng Setyembre taunang ipinagdiriwang sa Eastern Samar ang Balangiga Encounter bilang pagkilala sa kabayanihan at katapangan ng mga taga-Eastern Samar.