571 total views
Pumanaw na sa edad na 77-taong gulang ang dating Obispo ng Diyosesis ng Ilagan na si Bishop Emeritus Joseph Nacua.
Ayon sa Philippine Province of the Capuchin Friars Minor isinugod sa pagamutan sa Lipa City ang retiradong Obispo noong Huwebes ika-8 ng Setyembre, 2022 kung saan na-coma si Bishop Nacua.
Taong 2008 ng itinalaga ni Pope Benedict XVI si Bishop Nacua bilang ika-apat na obispo ng Diyosesis ng Ilagan, Isabela.
Si Bishop Nacua, ay nag-iisa at kauna-unahang Filipino Capuchin na naordinahan bilang Obispo.
Sa edad na 72-taong gulang matapos ang siyam na taong pagsisilbing punong pastol ng Diyosesis ng Ilagan ay nagbitiw sa katungkulan si Bishop Nacua noong taong 2017 dahil na rin sa kaniyang kalusugan makaraan na ma-stroke noong taong 2015 na nakaapekto sa kaniyang paggalaw.
Matapos ang pagreretiro, si Bishop Nacua ay nanatili sa Capuchin Retreat House sa Lipa City, Batangas.
Pumanaw si Bishop Nacua pasado alas-singko y medya ng hapon noong ika-10 ng Setyembre, 2022.
Inialay ni Bishop Nacua ang halos 6 na dekada ng kanyang buhay sa Panginoon, kung saan itinuon ng Obispo ang kanyang religious life sa pagiging isang guro, formator, at minister na nagbabahagi ng Mabuting Balita ng Panginoon lalo na sa mga kabataang nagnanais na maglingkod rin sa Simbahan.