445 total views
Ang pagtulong sa mga minamahal ng Diyos ang isang napakagandang tanda ng pagbabalik loob sa Panginoon ngayong panahon ng Kuwaresma.
Ito ang paalala ni Caritas Manila Executive Director Rev. Fr. Anton CT Pascual sa pagpapasinaya sa ika-25 Segunda Mana charity store at unang Alta store sa Ali Mall, Cubao kung saan tampok ang mga high-end donation in-kind ng Caritas Manila.
Ayon sa Pari, ang alms giving ay hindi lamang pagbibigay ng salapi kundi maging ang pagbibigay ng ilang mga materyal na bagay na maari pang mapakinabangan.
“Napakaganda niyan, ngayong panahon ng Kwaresma ang isang napakagandang tanda ng pagbabalik loob sa Diyos ay ang pagtulong sa mga mahal ng Diyos at ito nga ay yung mahihirap at napapabayaan sa lipunan at papaano tayo makakatulong sa pamamagitan ng sabi nga yung alms giving, pwedeng hindi lang in-cash but also in-kind dun nga pumapasok yung Caritas Segunda Mana, we become generous for God is generous at naghandog nga ang Diyos ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan, maghandog din tayo ng mga yaman para sa ating kapwa…” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam sa Radio Veritas.
Tiniyak ng Pari na direktang inilalaan ng Caritas Manila ang pondong nalilikom mula sa Caritas Margins at Segunda Mana sa flagship program ng Caritas Manila na Youth Servant Leadership and Education Program kung saan umaabot na sa higit 5-libong mahihirap na scholars ang nasusuportahan sa buong bansa.
“Syempre alam naman natin yan ang pondo ng Segunda Mana ay ginagamit natin sa ating scholarship program meron tayong 5,000 scholars nationwide at nagpapatapos tayo ng almost 900 a year sa college at voc tech program at ito ang number 1 ang number 2 naman meron tayong mga tinutulungan na mga micro entrepreneur, so ito yung mga nag-uukay-ukay mga Segunda Manians at syempre yung advocacy ng environment sa buong Pilipinas…” Dagdag pa ni Fr. Pascual.
Habang sa kasalukuyan ay may 1,000 benepisyaryo na ukay – ukay naman ang Segunda Mana mula sa mga komunidad ng Baseco at Tondo, Manila na isa sa mga pinakamahihirap na lugar sa Metro Manila.
Ito rin ang isa sa mga paraan ng Caritas Manila sa pagtugon sa panawagan ni Pope Francis na pagwawaksi ng umiiral na kulturang patapon o “Throw-away Culture” sa kasalukuyang panahon.