401 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth ang mga kabataan na gamiting pagkakataon ang paggunita ng Semana Santa hindi lamang upang manalangin at magnilay kundi upang ganap na maunawaan ang tunay na kabuluhan ng ipinagkaloob na buhay ng Panginoon sa sangkatauhan.
Ayon kay Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng kumisyon, hindi sapat na sakripisyo ang pag-aayuno at pagtitika bilang paggunita ng Semana Santa sa halip ay dapat din itong maging daan para sa pagkalinga sa kapwa.
Ipinaliwanag ng Obispo na layunin ng pansamantalang paghinto sa mga gawain tuwing Semana Santa ang paanyaya upang maunawaan at maisabuhay ang kabutihan at kabanalan na pagtingin sa sitwasyon o kalagayan ng kapwa mula sa mata ng Panginoon.
“It’s an invitation to stop, to pray, to reflect and to rediscover our humanity and also to help others. Yung ating fasting and abstinence is not just sacrifice but it leads us to others kumbaga paglilimos, praying for others also you know when we stop its an invitation to maturity yung virtue is a path to maturity when we see also things not only from our point of view part from the point of view of others and from the point of view of God.” Ang bahagi ng pahayag ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon sa panayam sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Alarcon na dapat rin gamiting oportunidad ng bawat isa ang Semana Santa upang muling magbalik loob at higit pang patatagin ang pananampalataya sa Panginoon lalo na sa gitna ng mga pangamba at kawalan ng katiyakan na dulot ng pandemya.
Matatandaang bahagi ng mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang paghahanda sa Mahal na Araw na paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus ay ang higit na pagpapasigla sa pananampalataya at pagkakawanggawa sa mga nangangailangan na isa ring mahalagang tugon sa gitna ng patuloy na pagharap ng daigdig sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.