20,522 total views
Inaanyayahan ni Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan ang bawat deboto na unawain ang tunay na diwa ng debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ito ang bahagi ng mensahe ng Arsobispo sa taunang Traslacion na isinasagawa din ng Archdiocese of Cagayan de Oro.
Ipinaliwanag ni Archbishop Cabantan na mahalagang maunawaan ng bawat isa ang tunay na diwa ng debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno na nagsisilbing paalala sa pagkakatawang tao ng bugtong na anak ng Diyos upang personal na maranasan at maunawaan ang buhay sa daigdig.
“To our dear faithful and all devotees of the Black Nazarene especially here in the archdiocese and beyond. Let us with grateful hearts praise God for the bounteous blessings He has given us. The greatest blessing is of course His only begotten Son, our Lord and Saviour who is born for us and journeys with us. He sustains, comforts and consoles us in all our undertakings amidst the various challenges we encounter in our lives.” pahayag ni Archbishop Cabantan sa Radyo Veritas.
Ayon kay Archbishop Cabantan, ang imahen ng Poong Hesus Nazareno ay isa ring paalala na walang sinuman ang nag-iisa sa pagharap sa mga hamon at pagsubok sa buhay sapagkat ang pagkakatawang tao ni Hesus ay may hatid na pag-asa para sa sanlibutan matapos na magpakasakit, maipako sa krus at mamatay ni Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan.
“His birth grants us strength, inspiration to carry on in our journey as one people. His passion, and carrying the cross we ought to carry gives us hope despite the burdens we too bear in our life’s journey. We are not alone then in facing all the trials we encounter in our lives but God is always with us, our Emmanuel!! Happy Feast Day of Jesus Nazareno!!!” Dagdag pa ni Archbishop Cabantan.
Ipinagkaloob ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ang pilgrim image ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa Archdiocese of Cagayan de Oro noong January 5, 2009 na dinala sa Saint Augustine Metropolitan Cathedral kung saan sa parehong taon din naganap ang kauna-unahang Black Nazarene Procession sa Northern Mindanao.
Pagbabahagi ng Arsobispo, may kaibahan ang paraan ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa Arkidiyosesis ng Cagayan de Oro kumpara sa nakagawiang tradisyunal na Traslacion sa Maynila.
Paliwanag ni Archbishop Cabantan, ang taunang Traslacion na isinasagawa sa arkidiyosesis ay maihahalintulad sa karaniwang prosisyon tulad ng isinagawang Walk of Faith ng Quiapo Church noong nakalipas na taong 2023.
Batay sa tala noong nakalipas na taong 2023, tinatayang umabot sa 10,000 mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ang nakibahagi sa isinagawang Traslacion ng Archdiocese of Cagayan de Oro matapos masuspendi ng dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Una ng ibinahagi ni Archbishop Cabantan na itinuturing na hamon ng arkidiyosesis ang pagkilala na ang Archdiocese of Cagayan de Oro ang nagsisilbing sentro ng debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno sa Mindanao.