250 total views
Unawain, kalingain, at bigyang-panahon ang mga nakakaranas ng pagkalumbay at pagkabalisa sa buhay.
Ito ang mensahe ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto bilang pakikiisa sa paggunita sa National Mental Health Week ngayong taon.
Ipinayo ni Bishop Presto na sikaping kumustahin ang kapwa lalo na ang mga nakakaranas ng mental health problem dulot ng iba’t ibang suliranin at krisis na nagaganap sa kapaligiran.
“Ating bigyang pansin ang iba’t ibang kalagayan ng ating mga kamag-anak, kapitbhay o kaibigan na dumaranas ng mental health issues. Mahalaga ang pang-unawa, pagkalinga, at pagbibgay-panahon para sa kanila,” pahayag ni Bishop Presto sa Radio Veritas.
Batid ng Obispo na karamihan sa mga tao ay mababaw lamang ang pagtingin o kulang pa ang kaalaman sa mga usaping may kinalaman sa kalusugang pangkaisipan.
Kaya naman, hinimok ni Bishop Presto ang publiko na subukang magbasa o manuod ng mga impormasyong magbibigay kaalaman sa pagtugon sa kapwa o sarili sakaling makaranas ng mental health problem.
Hinikayat din ng Obispo ang bawat isa na huwag mahihiyang lumapit sa kaibigan na handang makinig at dumamay, lalo’t higit ang pananalangin sa Panginoon upang malagpasan ang anumang kinakaharap na pagsubok sa buhay.
“Kung sakali man na tayo ay makaranas ng ganitong kalagayan, mahalagang lumapit tayo sa kakilala na puwedeng makatulong sa atin. Higit sa lahat ay mailapit natin sila sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal ng ating kalagayan,” ayon kay Bishop Presto.
Sa kanyang mensahe sa paggunita ng World Mental Health Day, iginiit ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang kalusagang pangkaisipan ay nararapat na maging bahagi ng mga prayoridad na usaping pandaigdigan.
Batay sa pagsusuri ng World Health Organization Special Initiative for Mental Health noong 2020, aabot sa 3.6-milyong Pilipino ang dumaranas ng isang uri ng mental, neurological, at substance use disorder.
August 25, 1994 nang ideklara ng dating Pangulong Fidel Ramos ang ikalawang linggo ng Oktubre bilang National Mental Health Week.
Tema naman ngayong taon ang “Make Mental Health and Well-being for All a Global Priority”