371 total views
Ayon kay Dr. Alex Brillantes, Jr. Propesor at dating Dekano ng UP National College in Public Administration and Governance o NCPAG, dapat maintindihan ng mamamayan ang Federalismo sa kahulugan ng pagbabahagi ng kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan.
“Mahalagang-mahalaga po na intindihin po natin na ang Federalismo sa konteksto ng debolusyon, sa konteksto nang paglilipat ng kapangyarihan sa ating mga LGU.” pahayag ni Brillantes sa Radio Veritas.
Ikinatuwa ni Prof. Brillantes ang pag-uusap ng Gabinete tungkol sa physical Federalism upang maging maayos ang pagbabahagi ng yaman ng bansa lalo na sa mga lugar na higit na nangangailangan.
Binigyang-diin ni Brillantes na dapat masusing pag-aralan at hindi dapat madaliin ang pagpapatupad ng Federalismo sa bansa dahil ito ay seryosong usapin at bago para sa ating Bansa.
Ibinahagi ni Brillantes na 21-taon ang ginugugol ng ibang mga Bansa bago tuluyang maipatupad ang Federalismong uri ng pamamahala.
Magugunitang nagkaroon ng agam-agam ang ilang kasapi ng gabinete ng administrasyong Duterte sa isinusulong na Federalismo partikular sina Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III, NEDA Secretary Ernesto Pernia at maging si Defense Chief Delfin Lorenzana dahil maaaring makakaapekto ito sa ekonomiya ng bansa.
Nilinaw noon ni Pernia na hindi ito tutol sa Federalismo ngunit dapat muna itong pag-aralan sapagkat marami sa mga rehiyon sa bansa ang walang sapat na kakayahan upang pangasiwaan ang Ekonomiya.
Sinabi naman ni dating Solicitor General Atty. Florin Hilbay na dapat makinig ang pangulo at maging ang mga mambabatas sa sinasabi ng Economic Managers ng Administrasyon.
“Kailangan pakinggan sila po mismo ang may kakayahan, may competence para alamin kung makabubuti nga ba yung transition to a Federal form of government kung maganda ba yung proposal.” pahayag ni Hilbay sa Radio Veritas.
Unang nanawagan ang mga lider ng Simbahang Katolika sa bansa sa mamamayan na aktibong makibahagi sa mga usapin sa lipunan lalo na ang usaping pagpapalit ng Konstitusyon.