249 total views
Hindi pa rin nakamit ang tunay na diwa ng EDSA People Power I, 30 taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Sr. Mary John Mananzan, Founder at Executive Director ng Institute of Women’s Studies, ito’y dahil hindi pa rin nakamit ang tunay na demokrasya ng mamamayan o ng nakararami, ang pagkakaroon ng pagkain sa hapag-kainan.
“Kung may nangyaring mabuti, kulang, hindi lang kulang, sayang na sayang yung ibinigay sa atin na oportunidad ng Diyos, ang demokrasya dapat may basis, ang fundamental basis ng democracy is great majority of the people should have the basic necessities fulfilled, eh wala, may eleksyon man ibebenta ang boto kasi gutom sila.” Pahayag ni Sr. Mananzan sa programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veritas.
Sinabi pa ng madre na sayang ang ibinigay na pagkakataon ng EDSA I ang demokrasya kung hindi ito nagagamit gaya na lamang na dapat ang pamahalaan ngayon ay nagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
Dapat din aniya na ang mga tumatakbo sa posisyon sa pamahalaan ang iniisip ay ang mapagsilbihan ang tao at hindi para magnakaw sa kaban ng bayan.
“Dapat ang fundamental duty ng government to provide for the basic necessities of people, like ang housing transportation, dapat yan di na pinag-uusapan yan, bakit ang isang tao dapat mag run for office, kung paano mapagsisilbihan ang tao hindi para mangurap.” Pahayag pa ni Sr. Mananzan.
Kaugnay nito, sinabi ng madre na naipakita naman ng EDSA I ang spirit of unity na kapag magkakaisa magagawa ang lahat.
“Ang spirit noon we are all together in this, united tayo dito, and nakita ko pag united magagawa natin lahat, yan ang spirit of Edsa.” Ayon pa sa madre.
Nilabanan ng Edsa People Power revolution ang diktaduryang Marcos na sinasabing nakakuha ng 5 hanggang 10 bilyong dolyar mula sa kaban ng bayan na naitala pa sa Guinness Book of World Record habang sa panahon din nito noong Martial Law nasa 3,000 ang sinasabing pinaslang na mga taong hindi sumasang-ayon sa kanilang patakaran.