384 total views
Paglaanan ng sapat na pondo ang pandemic response ng Pilipinas at pagtulong sa mga sektor na pinaka-naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ito ang mga mungkahi nila University of Santo Tomas Department of Economics Chairman Dr. Carlos L. Manapat at IBON Foundation Executive Director Sonny Africa sakaling lumala ang sitwasyon dahil sa bagong Omicron variant na nagdudulot ng panibagong lockdowns.
Ang Omicron variant na itinuring ng World Health Organization (WHO) bilang isang variant of concern ay naitala na sa mahigit apatnapung mga bansa.
Inaasahan naman ni Dr. Manapat na kung magkaroon ng Omicron variant sa Pilipinas ay mananatili ang 50% capacity ang Food at Entertainment Industry upang patuloy parin ang operasyon ng mga negosyo at trabaho.
“Restaurants operate at 50% capacity, and around 40% of that is used in paying for rental cost, it means that only 10% is left for labor cost; what will happen to you? Most of the businesses are operating at cost; they don’t want to close because they want to continue to help their employees survive,” pahayag sa Radio Veritas ni Dr. Manapat.
Pinangangambahan naman ni Africa na maging mas matindi ang epekto ng panibagong lockdown dahil marami pa ang hindi nakakabawi sa mga suliraning idinulot ng mga nag-daang lockdowns mula Abril at Setyembre 2021.
“Matindi ang epekto ng ganito laluna’t hindi pa nga nakapag-rekober ang kita at hanapbuhay ng marami sa mga nakaraang lockdown,” ayon sa mensahe ni Africa sa Radio Veritas.
Dahil sa banta ng panibagong lockdowns ay iminungkahi ni Dr.Manapat ang pag-aalis sa patakaran ng mga establisyemento kung saan obligado ang mga nangungupahan na magbayad ng isa hanggang dalawang taong advance payment.
Ayon pa sa opisyal ng UST, napapanahon narin ang pagsusulong ng mga batas upang itaguyod ang pagkakaroon ng “Unemployment Insurance”.
Una ng tumulong ang Caritas Manila sa mga higit na nangangailangan at mga nawalan ng kabuhayan ng dahil sa pandemya kung saan namahagi ang Social Arm ng Simbahan ng mga gift at cash cheque, hygiene kits at grocery packages sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas.