2,464 total views
Nagkaloob ng Apostolic blessing si Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio sa mga kawani ng iba’t ibang puwersa ng pamahalaan na nasa ilalim ng pangangasilwa ng Military Diocese.
Ayon sa Obispo, nagmula ang nasabing Apostolic blessing sa Santo Papa Francisco bilang paalala at pagtiyak sa kanyang patuloy na presensya at pananalangin para sa kapakanan ng bawat isa.
Inihayag ni Bishop Florencio na bahagi rin pagpapala ang tuwinang paggabay at pananalangin ng Military Diocese hindi lamang sa buhay espiritwal kundi maging sa moral ng mga kawani ng puwersa ng pamahalaan.
“Itong inyong lingkod, ang inyong Obispo at mga kapelyan sila po ay nagdarasal para sa inyong lahat bilang mga tagapaglingkod lalong lalo na sa spiritual and moral welfare ng ating mga katropa. Sa inyong lahat ang pagdarasal mula rin sa ating Obispo at ako po ay magbibigay sa inyo ng Apostolic Blessing, itong blessing na ito ay mula sa ating Holy Father upang ipaalala sa atin yung kanyang assurance of nearness na malapit siya sa atin, sa kanyang mga dasal at sa presensya po ng ating Military Bishop at saka mga chaplain.” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Tiwala ang Obispo na sa pagsapit ng pasko at bagong taon ay puspusin ng biyaya ang mga kawani ng puwersa ng pamahalaan na tiyakin ang kapakanan, kaligtasan at kapayapaan sa lipunan.
“Ako po ay nagdarasal na sana sa Paskong ito at sa Bagong Taon ang ating mga katropa, ang ating men and women in uniform ay sila rin po ay makatanggap ng mga biyaya mula sa ating Panginoon kahit sila po ay alert, nasa duty at sila rin po ay sundin natin, nandito pa rin tayo sa COVID-19 [pandemic] na nasa front line. Sana po sila ay mabiyayaan at mabigyan po ng kapayapaan ng ating Panginoon, siya po ang Hari ng Kapayapaan.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Saklaw ng Military Ordinariate of the Philippines ang pangangasiwa sa paggabay sa buhay espiritwal ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management & Penology (BJMP) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Sa datos ng Catholic Hierarchy katuwang ni Bishop Florencio sa pangangasiwa sa Military Diocese ang 154 na mga pari sa 75 parokya sa iba’t ibang mga rehiyon at kampo sa buong bansa.