231 total views
Nagpapasalamat sa United Nation member countries ang Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa pagpapakita ng malasakit sa karapatan ng mga Filipino kaugnay ng panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na isantabi ang war on drugs.
Iminungkahi rin ng 45 bansa na kasapi ng UN sa administrasyong Duterte na imbestigahan ang mga pagpaslang sa kampanya kontra iligal na droga maging ito ay sa police operations o summary killings.
Ipinagdarasal ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari na mag-alab sa puso ng mga Pilipino ang tunay na pagpapahalaga sa buhay at bigyan ng pag-asa ang mga lulong sa ipinagbabawal na gamot.
“Nagpapasalamat po kami sa lahat ng bansang nakiisa sa Pilipinas, mga kababayan at simbahan na talagang nagnananais na mahinto na ang pagpaslang sa ating bansa. Sana madama natin ang pagmamahal at malasakit ng mga bansang ito. Ito sana ang mag alab sa ating puso, ang tunay na malasakit mahalaga po ang buhay, mahalaga na ingatan natin ito. Kahit ang buhay ng mga drug addicts, mahalagang matulungan natin silang makarecover, sa kinalalagyan nila kung magtutulong-tulong tayo mas marami tayong magagawa. Huwag nating tapusin ang pag-asa ng mga taong ito,” pahayag ni Bishop Mallari sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag rin ng Obispo na patuloy ang kanilang diocese sa pagbibigay ng mga pagsasanay sa mga counselors para sa community based rehabilitation center katuwang ang local na pamahalaan at ang Philippine National Police.
Sa inilabas na tala ng Philippine National Police, mula Hulyo hanggang Enero ng kasalukuyang taon, mahigit sa 40 libo ang isinagawang police operation na nagresulta sa pagkakapaslang ng humigit-kumulang sa dalawang libong drug personalities habang umaabot naman sa 40 libo katao ang nadakip.