210 total views
Pensyon para sa lahat ng senior citizens sa bansa.
Ito ang iniwang salita ni Congresswoman Sol Aragones, chairman ng Committee on Populations and Family Relations ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa daan-daang nakatatanda na dumalo sa 2017 Elder Filipino Week.
Ayon kay Aragones, kasalukuyan nang tinatalakay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang universal social pension o panukalang batas na naglalayong gawing pangkalahatan ang natatanggap na pensyon ng mga nakakatanda at tanggalin ang mga requirements upang makatanggap ng tulong mula sa gobyerno.
“Sa batas ngayon, ang mga tinatanggap ng mga senior citizen na social pension ay Php500 so ang gusto nating gawin s’yang universal social pension kung saan maging Php1000 at mawala na rin ang definition ng indigent na ibig sabihin may kapansanan, may karamdaman at marami pang iba. Gusto natin basta senior ka, makakatanggap ka ng Php1000,” pahayag ni Aragones.
Inaasahan naman ng kongresista na mas mapapabilis ang pagsasabatas ng universial social pension na sa kasalukuyan ay nasa committee level na ng kamara.
Katuwang rin ng kongresista sa pagsusulong ng panukalang batas sina Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate,
Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe gayundin ang mga mambabatas mula sa Senior citizen Partylist.
Sa tala ng National Census noong 2010, tinatayang 6.8 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ay binubuo ng elderly sector.
Una nang pinuri ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga nakakatanda dahil sa kanilang naging ambag sa lipunan at sa kapasidad na unawin ang pinakamahihirap na sitwasyon ng buhay.