2,857 total views
Maliban sa pangangalaga sa kalusugan, isinusulong ng Camillian Fathers ang pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng urban gardening.
Ayon kay Camillian Vicar Provincial Fr. Dan Cancino, alinsunod ito sa Laudato Si’ Action Platform at mga katuruan ng simbahan kung saan ang mga hardin ay halimbawa ng pagpapahayag ng pagnanais na makiisa sa kalikasan at Diyos na tagapaglikha.
Paliwanag ng pari na ito ay paraan din ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan at pang-aabuso sa nag-iisang tahanan.
“Creating gardens is an act of atonement that can heal our past sins of overconsumption, environmental injustice and indifference, and can bring us closer to the vision of integral ecology in Laudato Si’,” pahayag ni Fr. Cancino.
Dagdag ni Fr. Cancino na siya ring executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Health Care Commission na ang mga halaman at gulay ay nakapagpapabuti ng kalusugan mula sa polusyon sa kapaligiran at pagkonsumo ng mga hindi masustansiyang pagkain.
Bukod pa rito, pinagtitibay din ng urban gardening ang ugnayan ng bawat pamilya at pamayanan sa pamamagitan ng pagtutulungan sa paglikha nito.
“We sow anecdotes, water and nurture our fraternal relationship, take greater awareness of God’s goodness and greatness through the fruits of the Earth, and foster our care for her,” ayon kay Fr. Cancino.
Hinihikayat ng simbahan ang pagtangkilik sa plant-based diet na isinusulong ang pagkonsumo ng masustansiyang pagkain at pangangalaga sa kalikasan.
Kaakibat nito ang No-Meat Friday Campaign na panawagang bawasan ang pagkain ng karne ng hayop upang makaiwas sa mga karamdamang maaaring makuha sa labis na pagkonsumo nito.