1,886 total views
Naninindigan ang pinuno ng Caritas Manila at Radio Veritas na maiiwasan at mapipigilan ang “urban migration” o pagpunta ng mamamayan sa highly urbanized areas kung magkaroon kaunlaran sa mga lalawigan.
Ito ang mensahe ni Father Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas sa paggunita ng Urban Poor Solidarity Week (UPSW).
“Sa Urban Poor Solidarity Week tayo po ay nagdarasal kasama ang Santa Iglesia, nakikiisa, sa selebrasyon ng conciousness week na ito upang ating mabigyan ng prayoridad ang dukha, yun pong mga tinatawag natin urban poor,” pahayag ni Fr.Pascual sa Radio Veritas
Tinukoy din ni Father Pascual ang kahalagahan ng pagkakaisa ng simbahang katolika, pamahalaan at mga non-government organization (NGO)upang makalikha ng kabuhayan sa mga kanayunan sa bansa.
Tiniyak naman ng Pari na patuloy na tinugunan ng social arm ng Archdioese of Manila ang pangangailangan ng mahihirap at makalikha ng mga programang magtataguyod sa kanila na magkaroon ng pagkakakitaan.
“Sapagkat ang kahirapan ay hindi kalooban ng Diyos, ito’y salot sa lipunan at hindi ayon sa plano ng ating Panginoon na nagpunta rito upang bigyan tayo ng buhay na kasaya-saya sabi nga sa John 10:10,”paglilinaw ni Father Pascual.
36 taon ng ginugunita ang U-P-S-W sa bisa ng Presidential Proclamation No.367 ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Layunin ng gawain na palalimin ang kaalaman ng bawat isa sa nararanasan ng mga pinakamahihirap na mamamayan at magtaguyod ng mga hakbang, polisiya o patakaran upang mapabuti ang antas ng kanilang pamumuhay.