580 total views
Ang bilis ng pagbabago sa ating bansa ngayon. Kitang kita ito sa lebel ng urbanisasyon sa ating bansa. Sa ngayon nga kapanalig, base sa opisyal na datos, 54% o sobra pa sa kalahati ng ating populasyon ay nakatira sa mga urban areas ng ating bansa. Katumbas ito ng 58.93 milyong katao as of 2020. Noong 2015, mga 51.7 milyong katao ang urban population natin. Milyong milyong katao agad ang nadagdag, kapanalig, sa loob lamang ng limang taon. Sa bilis na pagdami ng tao sa mga urban areas, napakahalaga na maayos ang urban planning sa ating bansa.
Alam niyo kapanalig, isang sakuna o disaster waiting to happen ang kumbinasyon ng malaking populasyon at palpak na urban planning. Sa totoo lang, nakita na natin ang epekto nito sa health systems ng ating bansa. Hindi ba’t sa mga urban areas mas mabilis kumakalat ang anumang uri ng sakit sa buong mundo? Case in point, ang COVID-19 pandemic.
Maliban sa mga epekto sa public health, ang isa pa sa pangunahing epekto ng palpak na urban planning ay ang buhol na buhol traffic. Sa Metro Manila, araw araw ramdam na natin ito. Sa mga karatig probinsya, lumalala na rin. Kapag umuulan, kapanalig, dusa ang inaabot ng lahat commuters. Pero diba, kahit wala, kitang kita natin na dusa pa rin? Ang bagal ng daloy ng trapiko, at sa tren naman, milya milya ang pila.
Ano nga ba ang magagawa ng bayan para maisaayos ang mga syudad ng bansa, at ng huwag na magaya pa ang mga umuusbong na lungsod sa mga naunang mga urban areas? Kapanalig, kailangan natin itaas ang ating kapasidad para sa maayos na urban planning. Kailangan natin buksan ang ating puso at isipan sa mga makabago at luntiang syudad.
Ang urban planning, kapanalig, ay hindi instant, lalo na sa mga lumang syudad gaya ng National Capital Region o NCR. Ito ay isang proseso ng pag-oorganisa at pagpaplano ng mga gamit, arkitektura at istruktura, espasyo, pati serbisyo sa anumang lugar. Mas mainam na sa umpisa pa lamang ng pagtataguyod ng komunidad ay maayos na agad ang pagpaplano. Layunin ng urban planning na ang bawat urban area ay sustainable, maayos, maunlad, makakalikasan, at makatao.
Kapanalig, sana ang urban planning ay hindi lamang sa mga high end o mayayamang lugar magagawa, kundi sa lahat ng komunidad ng Pilipinas. Deserve natin ito, kapanalig. Karapatan natin ito. Ang maayos na lungsod ay dangal ng bawat mamamayan at para ito sa kabutihan ng balana o common good. Sabi nga Catechism of the Catholic Church: The dignity of the human person requires the pursuit of the common good. Everyone should be concerned to create institutions that improve the condition of human life. Ang maayos na urban planning ay magpapaganda ng kalidad ng ating buhay. Nawa’y atupagin na ito sa lalong madaling panahon ng ating mga lokal at nasyonal na pamahalaan.
Sumainyo ang Katotohanan.