176 total views
Ikinalungkot ng urban poor communities ang pagbibitiw ni Vice President Leni Robredo bilang chairman ng Housing Urban and Developing Coordination Council o HUDCC matapos siyang pagbawalan na dumalo sa mga cabinet meetings.
Ayon kay Sikap Laya Incorporated chairman Rev. Fr. Pete Montalla, isang malaking kawalan sa kanilang hanay si Vice President Robredo lalo na sa pagmamalasakit nito sa mga programang makatutulong sa mga maralitang taga – lungsod.
“We need somebody na may puso sa mga mahihirap akala ko yun na yung magiging sagot nung abala ni Digong na siya raw ay para sa mga mahihirap. Pero masyadong nalulungkot ako na sa tingin ko ngayon ang pinakamalapit sa consent ng mga mahihirap ng kinabukasan na bigla nalang siya tinanggal,” bahagi ng pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Veritas Patrol.
Pinayuhan naman ng urban poor advocate priest si Robredo na ipagpatuloy lamang ang pagtulong sa mga mahihirap lalo na sa pag – oorganisa na igiit ang kanilang pangangailangan at karapatan na manirahan sa siyudad.
“Ang payo ko sa kanya ay tulungan kami sa pag – oorganisa ng mga mahihirap kasi kailangan namin ng pagkakaisa ng mga mahihirap para kanilang karapatan ay maigiit. Dahil marami ngayong nag iisip na ang pinaka – solusyon ng mga mahihirap ay i – demolish lang ang kanilang mga bahay na itapon sila sa mga location sites. Hindi nila nakikita yung kahalagahan ng trabaho na tao iyong idinedemolish at kailangan nila ng hanap – buhay,” giit pa ni Fr. Montallana sa Radyo Veritas.
Iginiit rin ni Fr. Montallana ang nauna na ring naobserbahan ni Robredo na kakulangan sa tubig at potable water sa mga relocation sites na pinaglilipatan ng mga dinedemolish na mga urban poor.
“Maganda iyong kanyang real concern na nakikita niya iyong kalagayan ng mga mahihirap sa pangangailangan ng tubig kasi hangga’t hindi ka lumulubog sa mga tao na talagang nakikipag – usap na sincere ang desisyon kasama ng mga tao mahirap makita iyong kalagayan ng mga mahihirap. Mga judgment lang nakikita mula sa taas na sila ay mga tamad hindi nakikita iyong kaapihan na dinaranas nila. Ako’y saludo sa kanyang inisyatib sa mga maralita,” pahayag pa ni Fr. Montalana sa Rdayo Veritas.
Nabatid mula sa ulat ng NHA o National Housing Authority na mula sa 29, 661 kabahayan na nakumpleto para sa mga biktima ng kalamidad tanging 4, 278 lamang ang na-oocupy o halos 2-porsyento ng kabuuang mahigit na 200 libong kabahayan na kailangan.
Kaisa ang Radyo Veritas ay pinapalakas nito ang hangarin na matulungan ang mga urban poor sa tulong ng SILAI.