232 total views
Masarap mangarap, kapanalig, na malapit na ang araw kung kailan ang ating mga syudad ay tunay ng magiging liveable – luntian, presko, maaliwalas, at accessible ang mga batayang serbisyo. Sana maging realidad na natin ito sa lalong madaling panahon, lalo pa’t parami na ng parami ang ating populasyon, at pabilis na ng pabilis ang urbanisasyon sa ating bayan.
Sa ngayon, higit pa sa kalahati ng kabuuang populasyon ng bayan ang mga nakatira sa mga urban barangays ng ating bayan. Base sa opisyal na datos, 58.93 million o 54% na ito ng ating kabuuang bilang.
Ang laking hamon sa ating bansa ang mabilis na urbanisasyon. Nababatak masyado, kapanalig ang mga resources ng bayan, at hirap makasabay ang mga lokal at nasyonal na pamahalaan sa paiba-iba at padami ng padaming pangangailangan ng mga mamamayan. Sa Metro Manila, kitang kita natin kung gaano kahirap matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan. Isang halimbawa ay ang public transportation. Sa dami ng ating mga commuters, kulang na kulang pa rin ang mga public transport natin kahit pa tuloy tuloy ang pagdagdag ng mga kalsada ng ating mega-city. Araw-araw, ang haba-haba ng mga pila sa mga terminal, kahit madaling araw pa lang. Ganito rin ang sitwasyon kada gabi.
Ang mabilis na urbanisasyon din sa ating bansa ay nagdulot ng kawalan ng maraming mga taniman at green spaces sa ating bayan. Na-convert na bilang mga residential areas at business centers ang dating mga sakahan, kabundukan, pati na daluyang tubig. At kahit marami na ang mga subdibisyon at condominium, marami pa rin naman ang informal settlers sa ating bansa. Ang mabilis na urbanisasyon kasi ay nagtutulak na rin sa pagtaas ng presyo ng bahay at lupa sa merkado, kaya’t hanggang slums na lamang ang kaya ng mga mamamayang arawan at mababa lamang ang sweldo.
Ang mabilis na urbanisasyon din, kapanalig, ay malaki ang epekto sa kalagayan ng ating kalikasan. Nauubos ang ating mga puno dahil dito. Dumadami din ang mga polusyon at basura na siya namang dumudumi sa ating hangin at kapaligiran.
Kapanalig, ang urbanisasyon ay senyales sana ng ating paglago – pero ang paglago na ito ay hindi sustainable, lalo na sa ating bayan. Sa halip na maging luntian at buhay na buhay ang ating mga syudad, mabilis na itong nagdede-deteriorate o nabubulok.
Kailangan nating mapigilan ang pagkabulok ng ating mga lungsod, kapanalig. Hindi dapat maging katumbas ng deterioration ang kaunlaran. Sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si: Maraming mga lungsod ay napakalaki, hindi mahusay ang mga istraktura, at labis na aksayado sa enerhiya at tubig. Ang mga pamayanan ay masikip, magulo at kulang sa sapat na berdeng espasyo. Hindi tayo inilaan para sa ganitong mundo. Paalala ni Pope Francis: We were not meant to be inundated by cement, asphalt, glass and metal, and deprived of physical contact with nature.
Sumainyo ang Katotohanan.