120,892 total views
Ang urbanisasyon ay isa sa mga palatandaan na ang isang lugar o bansa ay umuunlad na. Sa mga urban areas, mabilis umuusbong ang mga negosyo, imprastraktura, pati tao. Sa bilis, ang mga resources minsan, hindi na makahabol.
Kapanalig, pagdating sa urbanisasyon at sa pangarap nating kaunlaran, napakahalaga ng balanse at inobasyon. Balanse upang hindi natin makompromiso ang ating kinabukasan, ang sustainability, sa ngalan ng urbanisasyon. Ang inobasyon naman, ay ang pag-gamit ng teknolohiya sa paraang makakabuti para sa lahat tungo sa mas mabilis o accelerated na kaunlaran.
Sa ating bansa, ang balanse at inobasyon ay hindi matingkad sa ating mga urban spaces. Pagdating sa balanse, halos wala nga. Tingnan na lamang natin ang mga housing development sa ating bayan. Marami sa kanila, inukit sa mga dalisdis o slope ng walang pag-iingat. Ang bentahe ng mga ganitong pabahay ay ang napakagandang mga tanawin, pero nakaligtaan ang kaligtasan, May mga talampas sa ating bayan na punong puno na ng bahay at tao – sobra na kapasidad, at mapanganib na.
Marami ring mga pabahay ang ginawa sa mga dating pilapil at daluyan ng tubig. Kadalasan, piecemeal kasi ang development at walang big picture view. Madalas, walang ugnayan o koneksyon maging ang mga magkatabing subdivision, at hindi nila namamalayan na sila sila mismo ay nagbabarahan ng mga daluyang tubig. Nagbabaha na tuloy, at ang local o national government naman, bilang tugon, ay magtataas ng kalsada. Marami ng mga bahay, lalo na ang mga bungalow, ang kalahati na lang ang nakikita mula sa kalye, at siya ng nagiging catch basin pag baha. Piecemeal kasi ang approach sa development, kaya’t nasasayang ang investment ng tao at gobyerno.
Kapanalig, ayon sa opisyal na datos, 54% na ng ating populasyon ang nakatira sa mga urban barangays. At pihadong dadami pa ito sa darating na panahon. Kung hindi natin matutugunan ang hamon ng urbanisasyon, sa halip na maging sentro ng kaunlaran ang mga urban areas, baka ang mga ito pa ang maging sentro ng mga sakuna.
Malaking hamon ito sa ating pamahalaan, lalo pa’t sa panahon ngayon kung kailan mas lalo pa nating hinahabol ang kaunlaran dahil sa inflation at food security issues. Ayon sa Catholic Bishops sa Second Vatican Council: God destined the earth and all it contains for all people and nations so that all created things would be shared fairly by all humankind under the guidance of justice tempered by charity. Hindi patas at hindi makatarungan, kapanalig, ang kasalukuyang urbanization trend sa ating bayan dahil dehado ang mahirap, pati na ang susunod na henerasyon. Ang urban planning ay gawaing Kristyano dahil ito ay gawaing mapagmahal, hindi lamang sa kalikasan kundi sa lahat ng tao. Sana ay mabago ang ating approach at estratehiya dito upang ating maabot ang tunay at sustainable na kaunlaran.
Sumainyo ang Katotohanan.