657 total views
Mahalagang dapat na tinalakay ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kauna-unahang State of the Nation Address o SONA ang usapin ng katiwalian at mga paglabag sa karapatang pantao
Ayon kay UP-Diliman Political Science professor Sol Iglesias, hindi nabigyang pansin sa talumpati ng Pangulong Marcos Jr., ang paghahanap ng katarungan sa mga biktima ng ‘war on drugs campaign’ at mga pang-aabuso sa karapatang pantao na nasaksihan sa panahon ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ni Iglesias, hindi dapat isawalang-bahala ang pangamba ng publiko sa bagong administrasyon lalo pa’t ang Pangulo ay anak ng dating diktador na nagtala rin ng libo-libong paglabag sa karapatan ng mga Pilipino noong Martial Law.
Una nang sinabi ni Marcos Jr. na hindi siya makikipagkaisa sa mga international tribunal court na siyasatin ang mga posibleng kriminalidad sa karapatang pantao sa loob ng nakalipas na anim na taon.
“So talagang mahirap ‘yan, especially since si President Marcos Jr. ang kaisa-isang kandidato para sa pagka-Presidente na nangako na hindi siya makikipag-cooperate sa International Criminal Court sa kanilang pag-imbistiga sa posibleng crimes against humanity ng gobyernong Duterte dahil sa war on drugs, maski doon sa Davao City death squad kung saan naka-link si Pres. Duterte noong Mayor pa po siya ng Davao City,” saad ng UP professor sa panayam ng Radio Veritas.
Sang-ayon naman ang dalubhasa na may mga nabanggit ang Pangulo na hindi nagtutugma sa kaniyang mga panukala.
Kabilang na ang programang ‘government rightsizing’ kung saan taliwas sa kaniyang pagpapakilala ng bagong mga ahensiya ng pamahalaan na wala pang tiyak na pagkukunan ng pondong ilalaan.
“Magandang pakinggan, halimbawa [‘yung] ‘rightsizing’ pero sa totoo lang ‘jargon’ iyan. Ibig sabihin posibleng downsizing, posibleng upsizing, ang hinahanap natin ‘yung optimal na size. At kung yung impression na nakuha natin ay maraming isasara na mga hindi kailangan at siguro magbubukas din ng mga bagong opisina, siguro ‘yung pinakamalaking question is paano natin ‘to popondohan,” ani Prof. Iglesias.
Sinabi rin ng propesor na sa kabila ng mga repormang isinusulong ng Pangulo sa pagkalap ng pondo mula sa mga buwis, mismong ang Pangulo ay may kasalukuyang isyu pa rin sa Korte sa hindi pagbabayad nito ng buwis.
Bukod dito, bagamat sinabi ng Presidente na isasaalang-alang niya ang paggamit ng renewable energy na mas mainam na pagmumulan ng enerhiya, pinaplano pa rin nito ang pagpapatayo ng nuclear energy at power plants sa bansa.
“Nag-segue siya sa nuclear energy na hindi kasing linaw [ng] unang-una kung ang ating Sustainable Development Goals ng United Nations ‘yung binabatayan natin kung ano rin ‘yung mga kailangan nating makamit bilang bansa, bilang sangkatauhan para sa climate change,” dagdag ng propesor.
Umaasa naman si Prof. Iglesias na bibigyang kahalagahan ng administrasyon ang suliranin tungkol sa climate change na maaring hindi pa nakikita sa nagdaang gobyerno.
Pahayag ng dalubhasa na kinakailangang patuloy na kilatisin ang mga programang pinaplano at mga susunod na hakbang ng administrasyon lalo na ang mga usaping binigyang diin sa SONA.
“Kailangan pa rin nating kilatisin yung mga programang pinapalano, ‘yung mga ideyang pinag-uusapan lalo na sa SONA which was siguro yung pinakamalalim, mas marami na tayong nakikitang detalye tungkol sa mga plano ng gobyernong Marcos Jr. We want to wish him the best, but we still need to be critical,” pahayag pa ni Iglesias. (with intern Chris Agustin)