989 total views
Malaki ang pagpapahalaga ng mga Katolikong Pilipino sa krus ng Panginoong Hesus.
Ito ang pagninilay ni Columban Fr. John Leydon sa pagpapasinaya sa “Ikalawang Paglalakbay ng Krus ng Sierra Madre” sa University of Santo Tomas Santisimo Rosario Parish Church bilang bahagi ng pagdiriwang ng Season of Creation, Save Sierra Madre Day, at Kapistahan ni San Francisco de Asis.
Ayon kay Fr. Leydon, chairman ng Laudato Si’ Movement Pilipinas, makikita sa krus ng Panginoon ang kanyang pagdurusa at paghihirap upang makamtan ang katubusan ng tao mula sa kasalanan.
Ibinahagi ng pari na ito ang naging inspirasyon upang malikha ang krus ng Sierra Madre na sumisimbolo sa kinakaharap na pagsubok ng kalikasan na unti-unti nang nasisira dahil sa pagsasamantala ng mga tao.
“Iyong simbolong ginagamit natin ay ang simbolo ng krus ng ating Panginoon. At ang laman nito ay ‘yung kahoy na galing sa Sierra Madre mismo… Dito sa Pilipinas, napakahalaga ng krus na nagdurusa ang ating Panginoon kasi ‘yan ang karanasan ng mga tao; at ang karanasan natin ngayon ay pagdurusa hindi ng tao lamang kun’di pagdurusa ng buong sangnilikha,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Leydon.
Tema ng programa ang Buhay ng Sierra madre, Buhay nating Lahat: Dinggin ang Tinig ng Sierra Madre, Panumbalikin ang Kanyang buhay.
Nilalayon ng paglalakbay ng Krus ng Sierra Madre na pukawin ang kamalayan ng mga mamamayan na maging aktibo sa paglahok sa pangangalaga ng Sierra Madre na humaharap sa iba’t ibang pagsubok tulad ng itinatayong Kaliwa Dam, pagmimina, at pagpuputol ng mga punongkahoy.
Katuwang ng UST sa paglulunsad ang Save Sierra Madre Network Alliance, Laudato Si’ Movement Pilipinas, at Our Lady of Remedies-Malate Catholic Church.
Unang inilunsad ng Save Sierra Madre Network Alliance ang Paglalakbay ng Krus ng Sierra Madre noong 2012 na may temang Padyak: Pagpapanumbalik sa Dating Kaayusan ng Kalikasan.
Naging layunin nito ang gisingin ang kamalayan ng mamamayan kasunod ng naganap na malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar sanhi ng pananalasa ng bagyong Ondoy at mapaminsalang gawain sa Sierra Madre noong 2009.