356 total views
Pansamantalang sususpendihin ng Pontifical and Royal University of Santo Tomas ang klase at office work sa unibersidad mula sa ika-20 hanggang ika-21 ng Setyembre.
Nasasaad sa anunsyo ng UST Office of the Secretary-General na ang naturang hakbang ay bilang tugon ng unibersidad sa panawagan at apela ng mga mag-aaral, administrators, academic staff at support staff para sa pagkakaroon ng academic break sa unibersidad.
Una ng pinangunahan ng UST Central Student Council (CSC) noong ika-9 ng Setyembre ang pananawagan sa pamunuan ng unibersidad para sa pagpapatupad ng University-wide “academic ease” o “academic break” dulot na rin ng malawak na epekto ng Delta variant ng COVID-19.
Sa isinagawang survey ng UST Central Student Council (CSC) sa may 10,395 Thomasian student respondents noong ika-4 hanggang ika-6 ng Setyembre, lumabas na 218 sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19 bukod pa sa mga mag-aaral na nakararanas ng anxiety at depression.
Bahagi ng panawagan ng UST Central Student Council (CSC) sa pamunuan ng unibersidad ang higit na pagpapahalaga sa kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral at maging ng mga kawani na lubos ring naaapektuhan ng pandemya.
Nagsimula ang Academic Year 2021 to 2022 ng UST noong ika-9 ng Agosto, 2021 kung saan limitado lamang sa medical and health-allied programs ang isinasagawang face to face o physical classes sa unibersidad.(reyn)