12,513 total views
Mga Kapanalig, kahit wala na sa puwesto, mainit pa rin ang dugo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga progresibong grupong aniya’y mga “komunista”. Sa isang interview, sinabi ng dating presidente na gusto niyang patayin ang mga komunista sa Kongreso. Pinangalanan niya si ACT Teachers party-list Representative France Castro bilang unang target. “Patay kayong mga komunista d’yan,” pagbabanta ng 78 anyos na dating pangulo.
Ang mga sinabing ito ni ex-President Digong ay reaksyon niya sa mga kumikuwestyon sa paghingi ng kanyang anak ng confidential funds. Isa nga si Representative Castro sa mga naghahanap ng kalinawan kung bakit kailangan ni VP Sara Duterte ng pondong hindi dadaan sa masinsing pagsusuri ng Commission on Audit (o COA). Bagamat hindi naman niya pinagbantaan ang buhay ng mga kumikuwestyon sa paghingi niya ng malaking confidential funds, tinawag naman sila ni VP Sara na “kalaban ng kapayapaan” at “kalaban ng bayan”. Mukhang totoo nga ang kasabihan sa Ingles: “The apple doesn’t fall far from the tree.”
Mapapabuntong-hininga na lang tayo sa ganitong uri ng pag-iisip ng ilan nating mga lider—dati man o kasalukuyang nakaupo sa puwesto. Lantaran ang pagkiling nila sa karahasan, sa halip na magbigay ng malinaw at mahinahong sagot sa mga tanong sa kanila. Kalaban agad ang tingin ng mga lider na ito sa mga taong may ibang pananaw. At ang mga kalaban sa kanilang paningin ay mga taong pwedeng pagbantaan ang buhay, pwedeng patayin.
Ang nakalulungkot at nakababahala, mataas ang tingin ng marami sa atin sa ganitong uri ng mga lider. Sikat pa rin sila. Pinagkakatiwalaan pa rin sila. Ibinoboto pa rin sila, at iboboto pa rin sila. Marami rin ang naniniwala—o napaniwalang—dapat may kamay na bakal ang mga nagpapatakbo ng gobyerno, at kapag sinabing kamay na bakal, wala silang dapat na sinasanto, walang kinatatakukan, maliban na lang siguro kung kakampi nila sila. Sa paggamit ng dahas—kahit lamang sa salita—maipakikita daw na seryoso ang mga lider sa pagganap ng kanilang tungkulin. Walang pakialam ang marami nating kababayan sa mga napatunayang paglabag sa karapatang pantao ng mga lider na ito o kahit sa kanilang lantarang pagbabanta sa buhay ng iba.
Ang pamamayagpag ng mga lider na kumikiling sa karahasan ay sumasalamin sa ating mga pinahahalagahan bilang mga botante. Hindi natin maaasahang mawala sa poder ang mga walang pagpapahalaga sa karapatang pantao, demokrasya, at tamang proseso ng batas kung tayong mga botante—o ang karamihan sa atin—ay wala ring pagpapahalaga sa mga ito. Hindi rin naman natin maasahang ipagtatanggol ng mga botante sa pamamagitan ng balota ang mga bagay na marahil ay hindi nila lubusang naiintindihan.
Ilan sa mga sanhi nito ang uri ng edukasyong nakamit natin at ang kulturang ating kinagisnan. Kung hindi tayo natutong maging kritikal, tatanggapin na lamang natin ang sinasabi ng mga lider natin. Kung hindi tayo lumaking may pagtitimpi at kahinahunan, karahasan lamang ang makikita nating “tamang” paraan. Kung hindi tayo naging mulát sa ating kasaysayan, hindi natin magagawang itama at ituwid ang mga mali ng nakaraan. Uulitin at uulitin natin ang mga ito, kabilang ang pagboto sa mga lider na nagpapalaganap ng takot at ng bulag na pagsunod sa kanila.
Mga Kapanalig, sa Evangelii Gaudium, sinabi ni Pope Francis na ang karasahan ay lumilikha lamang ng bago at mas maraming pag-aaway sa halip na magbigay ng solusyon. Hindi dapat umiral sa pamahalaan, bilang tagapagtaguyod ng kabutihang panlahat, ang pagkiling sa karahasan. Dapat pagsikapang gawin ng ating mga lider ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan, paalala nga sa Roma 14:19. Ngunit muli, sa ating mga mamamayan nakasalalay kung uupo ba sa pamahalaan ang mga lider na utak-pulbura.
Sumainyo ang katotohanan.