246 total views
Isa sa pinakamalaking burden o pasanin ng maraming pamilyang Filipino ngayon ay utang. Sa hirap ng buhay, utang na ang nagtatawid sa gutom ng maraming mga kababayan natin ngayon. Maliit kasi ang sweldo ng karamihan habang pataas naman ng pataas ang presyo sa pamilihan.
Ayon nga sa isang pag-aaral noong 2021, mga 70% ng Filipino ang stressed na sa kanilang mga utang. Marami sa atin, ayon sa pag-aaral na ito, ay nag-alala sa kanilang financial situation. Ito ay ang pinakamataas na bilang ng mga taong nag-aalala sa utang sa siyam na bansa na kasama sa pag-aaral.
Ayon pa sa mga Filipinong kasama sa survey, 67% sa kanila ay “overwhelmed” na sa kanilang mga utang, at 60% din sa kanila ay nahihirapang magbayad ng kanilang mga bills o bayarin dahil na rin sa utang. 63% din ang nagsabi na hindi sila maka-ipon dahil sa utang.
Kahit pa nga overwhelmed ang marami sa utang, tumaas pa rin ng bahagya ang bilang ng mga kabahayan o households na umutang nitong nakaraang taon. Ayon sa datos ng BSP nitong unang sangkapat o quarter ng 2022, 25.8% o isa sa apat na kabahayan ang natalang nangutang nitong nakaraang taon, kumpara sa 24.2% noong sangkapat ng 2021.Karamihan sa naka-utang noong nakaraang taon ay mula sa middle income group, habang may mga kababayan din tayong hirap maka-utang dahil sa dami ng requirements, masyadong mababang income para sa loan, at kawalan ng kolateral. Karamihan sa mga inutang na pera ay ginastos ng ating mga kababayan para sa basic goods.
Kapanalig, kapag ang mga mamamayan ay nangungutang para lamang masustento ang pangunahing pangangailangan, dapat ng ma-alarma ang ating bayan. Nangangahulugan ito na hirap na ang tao. Kapag mas mabilis lumaki ang utang kaysa sa kita, magdudulot ito hindi lamang ng gutom, banta rin ito sa kaayusan ng pamilya pati na sa kanilang physical at mental health. At kung mas marami sa atin ang maiipit sa ganitong sitwasyon, may epekto rin ito sa kaayusan sa ating komunidad, pati sa bilis o bagal ng kaunlaran nito.
Kapanalig, ang pagkaka-utang ng maraming mamamayan ay senyales ng malaking problema sa bayan. Kung ang mga mamamayan ay kailangan pang umutang para lamang umabot sa susunod na bigayan ng sweldo, nagkukulang na ang pamahalaan. Ayon nga sa Rerum Novarum: ang pinakamahalagang tungkulin ng mga pinuno ng estado ay tiyakin na ang mga batas at institusyon, ang pangkalahatang katangian at pangangasiwa ng bayan, ay matatamo ang pampublikong kagalingan at pribadong kaunlaran. Ngayong panahon ng napakataas na presyo ng gas at ng antas ng inflation, nag-aabang ang mga mamamayan sa mga solusyong maaaring mailapat ng pamahalaan. Darating kaya ito bago pa malunod ang mga mamamayan sa utang?
Sumainyo ang Katotohanan.